Thursday, June 26, 2014

pieta, disappeared scholars, hostaged justice

in commemoration of the 8th year of the cadapan-empeno abduction

pieta (2013)

disappeared scholars, hostaged justice (2014)

note: i am also appending an article i wrote for the UP Forum (March-April 2012) Women's month issue, wherein i interviewed Nanay Linda; read the article after the cut.

Pamana at Pagkalinga ng mga Inang Makabayan


            Sa “Pagluluwal ng Buhay, Panulat, Pighati, Laban: Isang Panayam Kay Lualhati Bautista” ni Luna Sicat Cleto, sinabi ni Bautista na si Amanda Bartolome, isang karakter mula sa Dekada ’70, ay “tulad rin ng maraming ina na nakatali na ang buhay sa pag-iintindi ng buhay ng kanilang mga anak.” Sa kaso (at panahon) ni Melchora Aquino o mas kilala bilang Tandang Sora (na nagdiriwang ng ika-200 taong kaarawan ngayong 2012), mas naging masaklaw ang pagiging ina nito, kaya marahil mas naging masaklaw rin ang pag-intindi nito sa mga itinuring niyang anak, bagamat hindi kadugo—ang mga rebolusyonaryo.
            Ayon sa “Ang Bayan at Mga Anak ng Bayan Bilang Pamilya: Ang Patuloy na Katuturan ni Tandang Sora sa Kasalukuyang Panahon” na ipinrisinta ni Prop. Judy Taguiwalo sa Tandang Sora Academic Conference ngayong taon, ang anak ni Tandang Sorang si Juan Ramos ay kasapi ng Katipunan. Maaring ito ang paraan kung paano namulat si Tandang Sora sa nakapanlulumong kondisyon ng kanyang kapanahunan; maaring may iba pang kalagayang nagtulak sa kanyang lumahok sa rebolusyon. Hindi tiyak ang primaryang dahilan ng pagkamulat niya, ngunit ang tiyak: hindi nagtapos ang pagiging ina ni Tandang Sora sa kanyang anak dahil tinagurian (at tunay na nagsilbi rin) siyang Ina ng Himagsikan.
            Sinaad at pinalawig din ni Taguiwalo sa nasabing artikulo ang tatlong “katuturan” para sa ating panahon ng buhay at pakikibaka ni Tandang Sora: 1) Kalayaan mula sa Dayuhang Mananakop at Lupa para sa Nagbubungkal sa Lupa; 2) Kababaihang Nagmamahal sa Bayan; at 3) Walang Retirement sa Pakikibaka. Sa kasalukuyang panahon, patuloy pa ring makikitang isinasabuhay ang mga nabanggit sa iba’t ibang katauhan, sa iba’t ibang “Nanay” na makikita natin hindi lang sa bahay kundi maging sa lansangan.

Mga Nanay: Mga Tandang Sora Ngayon

            Binanggit ni Pat Brewer sa kanyang introduksyon sa The Origin of the Family, Private Property and the State ni Frederick Engels na sa mga pagkakataong tinatamaan ng kapitalistang sistema ang batayang serbisyo, kailangan ng tradisyunal na yunit upang tumanggap ng epekto ng krisis—at ang yunit na ito ang pamilya, kung saan nagbibigay ng batayang serbisyo ang kababaihan nang walang sahod.
            “Wala nang mura ngayon kundi putangina.” Isa ito sa mga di makakalimutang katagang mabilis na kumalat sa social media noong nakaraang taon. Sa kabila ng makikitang talinghaga, laro sa salita, at pakahulugang marubdob, hindi nagmula sa akademya, ngunit hitik sa mga kaalaman at mga aral ng buhay ang sumambit nito—si Carmen Deunida ng Katipunan ng Damayang Maralita (KADAMAY) o mas kilala bilang si Nanay Mameng na gayon na lamang ang nasambit niya matapos mamalengke gamit ang minimum wage. Sa The Second Sex ni Simone de Beauvoir, sinabing hindi eksklusibong nagmumula sa sekswalidad ang kamalayan ng babae sa kanyang sarili—sinasalamin nito ang sitwasyong nakadepende sa ekonomikong organisasyon ng lipunan, na siyang indikasyon din ng yugtong teknikal na narating ng ebolusyon ng sangkatauhan.
            Marahil, mas nagkaroon ang mga salita ni Nanay Mameng ng pakahulugang tumatak at tumarak sa isip at diwa dahil nagmula ang mga kataga sa isang inang anakpawis na tumungtong na sa ika-84 na taon niya nitong nakaraang Pebrero 8. Maaalalang ganito ang edad ni Tandang Sora nang siya ay magpasyang kumupkop noon sa mga tinaguriang subersibo noong kapanahunan niya. Ngunit hindi nagsimula sa ika-84 niyang taon nagsimulang makisangkot si Nanay Mameng, isang “payat at maliit na babae” pero “kilalang mahusay na tagapagsalita sa mga mobilisasyon sa Mendiola man o sa Ayala,” ayon kay Taguiwalo.
            Dagdag pa ni Taguiwalo, ang unang sinalihan ni Nanay Mameng ay ang KADENA, isang organisasyon ng kabataan sa komunidad noong panahon ng batas militar. Sa panahon naman ng de facto martial law ni Gloria Arroyo, kabilang sa mga kabataang mulat sa krisis panlipunan at lumalahok sa pagbabago nito sina Karen at Sherlyn, mga iskolar ng bayang biktima ng enforced disappearance (o pandurukot); at anak ni Concepcion EmpeƱo (Nanay Connie) at Linda Cadapan (Nanay Linda). Sa kakabit na artikulong binubuo ng mga sipi sa dokumento ni Taguiwalo, mababasa ang salaysay ni Nanay Connie, ni Nanay Mameng, at ni Inocencia Wenceslao o mas kilalang Nanay Bising, isang lider ng organisasyon ng mga kababaihang maralita sa lungsod.
            Nang kapanayamin ng UP Forum si Nanay Linda nitong huling linggo ng Marso, ilan sa mga susing usapin sa isinampa nilang kaso ay ang pananatili nina Lt. Col. Felipe Anotado at M/Sgt. Edgardo Osorio (ang dalawang sumukong sundalong kaalyado ng Retiradong Heneral na si Jovito Palparan, Jr. na pangunahing suspek sa pandurukot sa dalawang estudyante) sa kustodiya ng militar sa Fort Bonifacio; at ang pagsasabi ng abogado ni Palparan na buhay pa ang sina Karen at She. “Ang gusto nila, kapag sinurface nila (ang mga anak namin), wala nang kaso si Palparan pero ang sabi ko, it is for the court to decide. Kung isurface, mas mainam para makapagpatunay ang mga biktima.”
            Binahagi rin ni Nanay Linda ang mga naranasan niyang harasment. Nang sadyain siya ng UP Forum sa kanyang tahanan para sa panayam at nagpakilala bilang ang nagpadala ng text message noong nakaraang araw, sinabi na lang niyang maaring “natrapik” daw ang ipinadalang mensahe. Ilan sa masasamang elementong napapadpad sa kanyang tinitirhan ang mga nakamotor na sundalong may nakasukbit na mahabang baril na minsa’y umaaligid at kada oras na nagpapabalik-balik; at mga nagkukunwaring siraulong taong natutulog sa di kalauyuan, kung hindi man sa mismong tarangkahan nila. “Mayamaya makikita na lang naming may tinitignang mapa (ang taong grasa) na parang kinukumpirma kung tama ang tinigilang lugar.”
            May mga pagkakataong naipakita rin ni Nanay Linda na nasasanay at natututo na siyang umangkop sa mga panghaharas. Isang hapon, nag-inom sa tindahan niya ang isang napagalaman niyang intelligence unit (o intel), ganito ang naging salaysay ni Nanay Linda: “Mayroon ding (intel na) taga UP Vanguard, sabi niya, ‘Tama ang ginagawa mo Nanay.’ Sabi ko, ‘Oo nga, kaya sana tulungan mo ako.’” Ang mismong engineering brigade daw ng Camp Eldridge ay kumontak sa kanya upang magpatulong sa mushroom culture. Tumugon siya at tumuloy papasok sa kampuhan at nakuha pang sabihin nang pabirong sa mga sundalong kanyang bibigyan ng leksyon tungkol sa pag-aalaga ng mga kabute, “Kilala niyo naman na siguro ako, ano? Kung naririto ang anak ko, ituro niyo naman sa akin.”
            Bukod sa mga nabanggit na uri ng intimidasyon, natuto na ring sumakay at sumagot sa mga tila psychological warfare (o psywar) si Nanay Linda, dahil may ilan na ring nagsabi sa kanyang kabilang sa New People’s Army (NPA) ang kanyang anak. May nakausap na rin daw siyang rebel returnee na tila may alam sa kinahinatnan ng anak niyang, ayon sa rebel returnee, ay “matigas ang ulo at ayaw makipagtulungan sa gobyerno.” Nitong nakaraan, hindi na raw ito nagparamdam at mahirap din daw matukoy ang panig nito dahil tahasan itong ginagamit ng mga militar. “E ano kung NPA nga? E di ilitaw at dalhin sa korte. Kung anumang ang kasalanan, basta idaan nila sa tamang proseso. Parusahan kung mapapatunayang may kasalanan. May batas tayo at ang batas natin wala sa kamay ni Palparan,” ani Nanay Linda. “Dahil yung illegal detention at kidnapping hindi raw dapat kasama sa mga kasong isinampa sa DOJ. Siguro gusto nyang kaso abduction, hindi kidnapping para kasama buong institusyong militar,” pabirong dagdag ni Nanay Linda. “Ang kidnappng nga, parang polite way na (para ilarawan ang ginawa ni Palparan). Pero during that time (ng pagkawala nina Karen at She), on duty siya, kaya hindi masasabing personal na desisyon ang ginawa niya. Sa tingin ko talaga, policy ito (ang pandurukot) ng government.”
            Bagamat may dating na magaan ang daloy ng paglalahad ni Nanay Linda, madarama pa rin sa pagsasalaysay niya ang pagmamahal ng ina sa isang anak at pag-asang makikita pa niya itong muli. “Sabi ng attorney (ni Palparan), pre-judged na, kaya ayaw humarap. Ewan ko lang kung may kahinatnan (ang paghahanap kay Palparan) knowing na hindi lang nagtatago—walang seryosong naghahanap. Nung ni-raid yung bahay nya, wala namang media o militanteng kasama.” Nakuha pa muling magbiro ni Nanay Linda, “Dapat nga i-shoot to kill na e. Kung kunwari ako ang makakita at bumaril kay Palparan, malamang sa hindi, mahuli agad nila ako.” Kwento pa ni Nanay Linda, nang mag-rally sila isang beses, tinanong niya raw ang mga sundalong humarang sa kanila: “Bakit naririto kayo? Bakit babantayan ninyo ako? E kung hinahanap na lang ninyo si Palparan?” Noong fact-finding mission kung kailan sariwa pa ang mga hinanakit, tinatanong raw sa sarili ni Nanay Linda kung iba ba ang konstitusyon ng military sa mamamayan. “Nagse-search kami noon, kabagyuhan. Makikita mo, may mga lumalabas na sundalo, magkakasa ng baril. Eto sila, papasok sa tutuluyan namin, magtatanong.” Bumibigat din daw ang loob niya kapag sinasabi ni Nanay Connie na kahit buto na lang, ibalik ang mga anak nila. “Kinuha nila sa akin nang buhay, ibalik nila sa akin nang buhay.”
            “Hindi ako natatakot kasi, bakit ako matatakot sa kanila? Sila itong may kasalanan sa akin?” Ganito ang sagot ni Nanay Linda nang tanungin kung anong nadarama niya sa mga pinagdaanan niya at sa ilan pang initimidasyon ng mga sundalo. “Sa atin sa demokrasya, meron dapat sa ating check and balance. So yung mga malakas ang loob na magpuna, dapat nga iappreciate pa yun ng gobyerno. Ang nangyayari, they (government officials) defend themselves assuming they are always right. Kaya yung mga taong may lakas na loob na magpuna sa goberyno, ginagawa na nilang enemy of the state—ginagawang biktima ng extrajudicial killing, harassment at enforced disappearance.”
            Tuwing ikatlong Sabado ng buwan, nagkikita-kita raw silang mga ina ng mga biktima. “Nagiging matatag ako kasi kung malulugmok lang ako, walang mangyayari. Karamihan sa amin, halos umiiyak pero sinasabi ko sa kanila, kung iiyak lang tayo, sino’ng lalaban para sa atin?” Dagdag pa ni Nanay Linda, hindi naman pwedeng hindi ka kumilos. “Yung iba ang sinasabi, ibigay nalang sa panginoon. Paano kung nagadadasal ka nga hindi ka naman kumikilos? Dapat magkasabay (ang pananalig sa Diyos) pati pagkilos.”

Kababaihan: Sa Pamilya at sa Pakikibaka

            Ayon sa “A Vindication of the Rights of Woman” ni Mary Wollstonecraft, hanggang nananatiling naiiba ang kalagayan ng lipunan, ipipilit ng mga magulang na sila ang masunod—at tila mula sa mga bathala ang karapatang ito ng mga magulang na, sa anumang katwiran, ay hindi maaaring ipagkait sa mga magulang.
            Kaya hindi na rin nakapagtataka nang ibahagi ni Nanay Linda na magkaaway raw sila ni Sherlyn nung nagsisimula pa lamang itong maging aktibista—at nanatiling ganito sa apat na taon na pakikisangkot ni Sherlyn. “Mas kay Tatay Asher siya nagbubukas at mas sila ang nagkakasundo, kaya noong search sa kanila, hindi akalain ng mga taong maghahanap ako nang ganoon. Kung yung mga kaibigan nga nya naghahanap, ako pa.” Pabagsak niya raw na binababaan ang anak niya ng telepono kapag ayaw nitong idetalye ang kinaroroonan at ginagawa. “Hindi ako nadadala n’yang ‘miss you miss you’ sa text. ‘Umuwi ka rito,’ yan ang sinasagot ko as kanya.” Sinaad ni Nanay Linda ang isang pagkakataong may kasama si Sherlyn pag-uwi:
            Tinanong niya raw ito, “Ineng, nag-aaral ka pa ba?” Sinabi raw ng dalagang hindi na ito makapasok sa pamantasan. “Ako ang mag-eenrol sa yo. Ano’ng sabi ng nanay mo, okay lang ba ang ganyan?” Nang tumango ang dalaga, sinagot daw ito ni Nanay Linda, “E tarantado pa lang nanay mo.” Ilang ulit din pinigilan ni Nanay Linda ang anak sa patuloy na pakikisangkot. “Ang sabi ko pa sa kanya noon, ‘Magtrabaho ka nalang at yung sweldo mo, ibigay mo sa kanila (sa masa o batayang sektor). Pupuntahan mo sila, wala nga silang pagkain, makikisalo ka pa? Mag-sponsor ka na lang ng edukasyon ng anak nila kapag kumikita ka na.’” Noon, para kay Nanay Linda, hindi kasama ang pakikipamuhay sa tulong na dapat ibinibigay sa kapwa lalo at naghihirap din sila.
            Nang mangyari na ang di inaasahan, nagbago ang pananaw ni Nanay Linda. “Ganito ba talagang ating gobyerno? May nangyayari palang ganito. Kasi, unaware naman ako sa political issues e. Kaya simula noon, nakikita ko na—na yung grupo ng mga militante, basta may napupuna sila, sinasabi nila sa pubiiko. Walang masama sa ganoon dahil kailangan naman talagang punahin yung mga pasaway na opisyal natin.” Dapat raw magpasalamat pa ang gobyerno sa mga pumupuna. Binahagi rin ni Nanay Linda ang ilang mga pagkakataon kung saan nakisangkot siya kahit walang direktang kinalaman sa pagkawala ng anak niya. “Ginagawa ko ang makakaya para sa mga hinaharas isang beses na mga taga-Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) dahil sa paghahanap ko sa anak ko, marami ring tumulong sa akin kahit hindi pa naman nila ako kilala noon.”
             “Dahil walang gaanong istorikal na dokumento, ang proseso ng pulitikal na transpormasyon kay Tandang Sora ay hindi detalyadong makukumpirma at malalaman. Pero itong mga ina (nina Karen, She at Jonas Burgos), makikita natin sa aktwal na prosesong nagsimula silang makilahok sa kalsada, magsalita sa rally, sa TV—na nakapangibabaw sila sa takot nila hanggang tuluyang tanggaping mapanganib ang piniling buhay ng kanilang mga anak,” ani Taguiwalo. Hindi malayong ganito rin ang nakita ni Tandang Sora, hindi lang sa sariling anak, kundi maging sa mga anak ng bayang pumupuna sa maling pamamalakad at gawi ng mga kolonyalistang espanyol. At ang naging kapalit nito ay ang tangkang pagpapatahimik sa kanya ng mga nagpapanatili ng estado poder, tulad ng patuloy na ginagawang pananakot sa mga tinalakay na Nanay.
            Sa artikulo ni Taguiwalo, sinabi niyang walang pag-iimbot na ibinahagi ni Tandang Sora ang palay at pagkain para sa mga anak ng bayan at ginamot ang mga sugatang katipunero. At, bagamat mapait na karanasan ang ibinunga nito dahil “hinuli at piniit si Tandang Sora sa Bilibid at pagkatapos ay dinistiero sa Guam,” kahit pa 91 taong gulang na siya bumalik sa Pilipinas noong 1903, “tinanggihan niya ang inalok na pension ng kolonyal na pamahalaang Amerikano.” Dagdag pa niya, “Ayon sa mga ulat, ipinaliwanag niya na ang kanyang paglahok sa rebolusyon ay hindi para sa sariling pakinabang.” Para kay Taguiwalo, ang mga kababaihang aktibista, o sa kaso ni Tandang Sora—rebolusyonaryo, ay nakaalpas sa panananaw na ibinaon sa kanila ng mga institusyon “na ang papel ng babae, ay simbahan-bahay, at na ang mga isyung pampulitka, ay labas sa kanilang teritoryo—lalo na ang pag-aalsa.” Dagdag pa niya, “Hanggang ngayon ganito, bagamat ang mga babaeng nasa public sphere o nasa propseyon, kahit papaano, pwede na at pinapayagan. Pero ang pagiging aktibista (ng isang babae) ay iba pa ring usapin.” Bagamat may ilang batas nang kahit papaano’y nagsulong ng katayuan ng babae sa lipunan, hindi pa rin ito sapat. Tanong ni De Beauvoir, sapat na nga kayang baguhin ang mga batas, institusyon, gawi, pampublikong opinyon at ang buong kontekstong sosyal upang masabing tunay na pantay ang babae at lalaki? Ganito ang kanyang sagot at konklusyon:
            “‘Ang mga babae ay mananatiling mga babae,’ sabi ng mga iskeptiko. Hinahayag naman ng ibang propeta na sa paghuhubad ng mga babae ng kanilang kababaihan, hindi sila magtatagumpay na maging lalaki at magiging mga halimaw sila. Ito ay pagtanggap na ang babae ng kasalukuyan ay likha ng kalikasan; dapat muling ulitin na sa lipunan ng tao, walang natural at ang babae, tulad ng maraming bagay, ay produkto ng
sibilisasyon. (…) Ang pagpapalaya sa kababaihan ay ang pag-iwas sa pagkukulong sa kanya sa relasyong mayroon siya sa lalaki, hindi ang pagkakait nito sa kanya.”
            Sa pakikilahok sa pagpapalaya sa mga uri, nailulugar ng babae ang kanyang sarili sa lipunan. Bukod sa karakter ni Bautista, ilan pang binanggit ni Taguiwalo na kababaihang mulat na nakipagtunggali ay sina: 1) Prinsesa Urdujang “bagama’t sinabing tauhang kathang-isip lamang katutubong ninuno sa mga mananakop”; 2) Gabriela Silang “na humawak ng armas laban sa mga Kastila;” 3) Mga kababaihan ng Katipunan; 4) Mga “babaeng bayani na tumindig laban sa pananakop ng mga Amerikano, ng mga Hapones, naging bahagi ng Hukbo ng Bayan laban sa Hapon, ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, ng New People’s Army, ng paglaban sa diktadurang Marcos at hanggang sa kasalukuyan ay nagpapalaot sa iba’t ibang uri ng pakikibaka para sa lupa, para sa kasarinlan, para sa katarungang panlipunan at para sa kalayaan;” 5) Sina Josefina at Trinidad, na mga kapatid ni Rizal; 6) Teresa Magbanuang “tinawag na Heneral Isay ng Panay dahil pinamuan niya ang pagtambang sa mga Kastila” na may dalawang kapatid na lalaki at tiyuhin na kasapi ng Katipunan; 7) Narcisa Paguibitang “lider-manggagawa ng panahong ng Amerikano” na “isa sa mga namuno sa pangkalahatang welga sa Maynila noong 1934 na tumagal ng dalawang buwan.”           
            Marahil, mas maiintindihan pa ang pagkamulat ng mga nabanggit na babae sa panayam ni Gerassi kay De Beauvoir, 25 taon matapos mailimbag ang The Second Sex, kung saan tinanong ng una sa huli kung limitado ba sa mga kababaihang nasa Kaliwa ang kamalayan na kailangang baguhin ang lipunan, tumugon si De Beauvoir ng oo, dahil konserbatibo ang ibang nais magpanatili ng umiiral na kaayusan. “Ayaw ng mga babae sa Kanan ng rebolusyon. Mga ina at asawa silang tapat sa kanilang mga lalaki. Kunsakaling ahitador din sila, ang nais lang nila ay mas malaking bahagi ng tubo. Gusto nilang magkamal ng mas malaking kita, bumoto ng mas maraming babae sa mga parlyamento, at maranasang magkaroon ng babaeng pangulo.” Ayon kay De Beauvoir mga reporma lamang ang mga ganoon—ang pagbabago ng buong sistema, ang pagwasak ng konsepto ng pagiging ina, yun daw ang rebolusyonaryo. Sa panayam kay Taguiwalo, nabanggit niya ang tungkol sa parangal ng lungsod ng Quezon kay Tandang Sora kung saan may mga tarpaulin na nagpapakita ng mga kalidad niya. Nakakalungkot nga lang daw na hindi naisama ang ‘makabayan’ sa mga ipinagdiwang na katangian ni Tandang Sora. Para kay Taguiwalo, ang wellspring o bukal na pinagmulan ng mga palabra de honor na nasa nakasulat sa mga tarpaulin ni Tandang Sora (tulad halimbawa ng ‘mapagkalinga’) na siyang dahilan kung bakit siya kinikilala sa ika-200 taon niya, ay hindi ang kanyang pagiging babae kundi ang kanyang pagiging rebolusyonaryo.

Mula sa panahon ng mga katipunerong anak ng bayan, hanggang sa kasalukuyan kung saan pinagpapatuloy ito ng mga kabataang makabayan, mahalaga ang ambag ng mga mapagkalingang Tandang Sorang maaasahan sa panahon na nangangailangan ng kanlungan ang mga nagnanais ng pagbabagong lipunan. Sa nobela ni Jun Cruz Reyes na Tutubi, Tutubi, ‘Wag kang Papahuli sa Mamang Salbahe kung saan ipinakita niya ang mga eksena ng unang araw ng batas military ni Marcos, kinupkop ni Mamay sa kanyang barumbarong ang pangunahing tauhang si Jojo sa panahong nahilo ito sa gutom sa paghahanap sa kanyang mga kasamahang kapwa rin nagtatago at hindi pa tiyak ang mga susunod na hakbangin. Kahit walang gaanong ibinahagi si Jojo sa kanyang pagkatao, mararamdamang alam ni Mamay kung sino at ano si Jojo. “Si Gregoria De Jesus na nagsilbing tagadala ng dokumento, halimbawa, hindi maituturing na less ang contribution niya sa reboluyson kumpara sa asawa niyang si Bonifacio,” ani Taguiwalo. Sa panayam, sinipi niya mula sa “Serve the People” ni Mao Zedong ang paalalang ang sinumang nag-ambag sa panlipunang pagbabago, kusinero man o sundalo, ay dapat parangalan at pagpugayan.
Kung susumahin, marahil may katotohanan sa sinasabi ni De Beauvoir na kinakatawan ng tunggalian ng kasarian (sex struggle) ang tunggalian ng uri (class struggle), pero hindi kinakatawan ng huli ang nauna, at ang mga peminista, samakatwid, ay tunay na nasa Kaliwa. Sa A Very Short Introduction to Existentialism, sinabi ni Thomas Flynn na ang punto ni De Beauvoir ay ganito: kung sa pamamagitan ng lipunan naitatag ng konsepto ng pangaabuso sa babae, sa pamamagitan ng lipunan din ito malalansag. Sinipi ni Taguiwalo ang “Mga Aral nang Katipunan ng A.N.B” sa paglalarawan ng pamana at ambag ni Tandang Sora sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino—na “Si Tandang Sora at ang kababaihang nagmamahal sa bayan, lumalaban para sa bayan at handang magpapakasakit para sa bayan ay tapat sa mga aral ng Katipunan laluna ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal nakadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.”

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]