Saturday, April 21, 2012

pagbulalas o pagmumuni-muni

pinatay ko ang oras ng paghihintay kanina at tila sa kauna-unahang pagkakataon, nakatapos akong magbasa ng mahabang piyesa nang isang upuan lamang--nang hindi naman literal na nakaupo at hindi ako makapirmi. ang nabitbit kong aklat sa di-inaasahang pagkakataong ito ay ang tutubi, tutubi, 'wag kang magpahuli sa mamang salbahe ni jun cruz reyes.

binasa at natapos ko ito sa panahong (dapat) ang tinatrabaho ko ay ang artikulong kasalukuyan pa ring nananatiling hindi tapos--isang lathalain tungkol sa mga nanay. binasa at tinapos hindi dahil wala akong ibang magagawa. pinili ko ito dahil nasa kalagayang ito lang ang maari kong gawin upang pumatay ng oras at kalmahin marahil ang hindi makalma-kalmang isip. hindi ko maisiwalat at 'di ko rin alam, 'di ko tiyak ang madarama. hindi pamilyar ang teritoryong ito sa akin. kung lalahukan ng isyung panlipunan at ibubuhol sa pamilya, magulang, nanay, papasok pa ang usapin ng kasarian--na isa rin sa mga usaping hindi ko pinagtuunan ng pansin.

at mukang madaragdag ang karakter ni reyes na si mamay sa nasabing lathalain. ang sisipiin kong talata ay nasa pahinang malayo pa sa kwento ni mamay pero, sa tingin ko'y kahit papaano'y naglalarawan sa kasalukuyang kalagayan. may gusto pa sana akong sipiin, kaso, masyadong mahaba at wala akong luxury ng oras para rito at sa pagpapalawig ng kahulugan nito para sa saglit na pagbabahaging ito. naririto ang sipi:

"ay buhay! problema kung dumating ay parang kadena. kawing-kawing at sa dulo'y may bigat pang kasama. kung matigas lang ang loob ko, kung kaya lang ng konsensiya ko, matagal na akong naghurumentado. todas silang lahat na pumapatay sa akin nang unti-unti. kung nalulutas lang sa ganito ang problema, sasama na lang ako sa mga muslim at magpapaturo kung paano natatalo ng kris ang armalite."

may mga dapat nga palang ipagdiwang tulad ng sinundan nitong patalastas. at bukod pa rito, hindi ko pa ata nababanggit na may dalawa ring piyesa sa filipino na may tsansang maisama sa isang antolohiya--sinama na raw ng mga patnugot ngunit nasa publisher ang huling pasya; may isa ring tulang lalabas sa isang antolohiya sa susunod na taon; at ang pinakahuli ay dalawang dibuho sa isang internasyunal na journal. nasa email pa lamang ang mga kumpirmasyon sa mga ito kaya parang ayoko munang magpartikular dahil wala pang opisyal na release ang mga kinauukulan.

pero sa kabila ng lahat ng magaganda at masasamang balita, nananatili ang tanong na ilang ulit ko na ring tinanong, sinagot, upang muli lamang itanong at muling sagutin. marahil, kunsakaling maging matagumpay at muli ko itong masasagot sa nalalapit na hinaharap, darating ang panahong itatanong ko ulit ito sa sarili. may mga bagay lang sigurong kailangan pagdaanan nang paulit-ulit. ay, ewan. magandang madaling araw. ngayon, ano nga ulit ang mga gagawin ko. anong uunahin.

p.s. hirap akong umangkop sa mga biglaang pagbabago. tulad na lamang nitong bago na namang itsura ng blogger dashboard. mabuti na lang at di pa ako tinatamaan ng virus na facebook timeline. salamat sa pagbisita.

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]