Sunday, February 19, 2012

Eksena sa kalye [iv]

Habang pauwi mula sa pinanggalingang lugar na matagal nang hindi nadadalaw dahil imbakan ito ng lahat ng alaalang pinaka--pinakamatamis at pinakamapait--habang pauwi ako mula sa isinumpang pinagpalang lugar na iyon, iniisip ko kung magsusulat ba ako tungkol dito, iniisip ko kung isisiwalat ko ba ang pagsusuri rito, iniisip ko kung ibabahagi ang mga agam-agam at mga kaba at mga panghihinayang at mga hinanakit at mga pangangailangan tulad ng pagwawaksi ng pakiramdam ng pangangailangang mangialam sa lugar na hindi ko naman na maituturing na teritoryo pero ninanais kong itratong ikalawa, ikatlo, ikaapat o ikalima pa ring tahanan, subalit hindi na maaari at may iba nang nakatira rito, at sila na ang magpapasya kung magpapadala sila sa pagkawasak, at sila na ang magdedesisyon kung mananatili ang dedikasyon nila sa sinserong pagbabago, at kung isasabuhay nila ang pagiging kritikal sa lahat ng oras, sa lahat ng tao, sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng dako, upang mapanatili ang kanilang pagkakabigkis sa interes ng mga tinataya nilang pinagsisilbihan nila, ng mga pinaniniwalaan nilang inaalayan nila ng buong oras nila at panahon, oras at panahong minsan din naming isinakripisyo, ngunit hindi naman pinagsisisihan, wala ring panunumbat, pero gusto kong isiping nagbuwis kami noong mga panahong iyon ng oras at panahon, oras at panahong binubuwis ng bagong dugo ng kabataang estudyante ngayon, bagong dugong masasayang kung hindi mailalatag nang mabuti, kung hindi mailalapat nang maigi, kung hindi maipandidilig sa tigang na lupa, kung hindi magdudulot ng pagyabong ng kilusang estudyante dahil sa ilang bitak ang lenteng ginagamit upang sumipat, ng ilang manlalansi ng kapwa para lamang magwagi at maisakatuparan ang mga platapormang pinaniniwalaan nilang makapagliligtas sa sanlibutan nang hindi man lamang dinidinig ang hinaing ng sanlibutan, sanlibutang yari sa mga bahaging ngayo'y naririyan pa rin ngunit tiyak na iba na ang mga katangian, maaring iba na rin ang mga pangalan, maaring iba na rin ang mga bahagi ng mga bahaging ito, subalit tiyak na halos ganoon pa rin ang ugat ng krisis, ng sakit, ng kanser, ng tumor, ng lason, ng lahat ng nakakapagpahirap sa mga bahagi at kabuuan, ngunit mistulang iba na ang mga manggagamot at mahirap nang tukuyin kung sino ang may karapatan manggamot at kung sino ang may kakayanang magbigay ng lunas, o mas masidhi kung mahirap nang matiyak kung mayroon pa nga bang tunay na manggagamot o tunay na makakapagturo man lamang sa kinaroroonan ng lunas, pero may natitiyak ako sa ngayon sa kabila ng kawalang-katiyakan, sa pamamagitan ng lenteng mayroon ako ngayon, nasipat ko sa nakaraang naging magkasama tayo noon at sa kasalukuyang lumipas na nagtagpo muli nang hindi mo man lang nalalaman ang dinulot mong karamdaman na tiyak na hindi mo rin alam na ikaw lamang ang lunas bagamat nagkaroon ng panandaliang lunas na pilit kong binanat upang magtagal subalit, tulad ng inaasahan, kahit gaano banatin ang oras, nagwawakas ito nang walang ni anumang batayan kung kailan itong muling magbabalik, o kung magbabalik pa nga ba, pero sana, muli kitang makasama sa lansangan upang maibsan kahit saglit ang paulit-ulit na binat, naroroon sa lansangan ang pag-asa sapagkat doon ang isa sa mga tiyak nating tagpuan kunsakaling tama ang hinuhang nakaugnay ang bawat lansangan sa lahat ng lansangang may bakas ng pakikibaka.

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]