Isang Awit sa Dulo ng Mundo
salin ni Acuña ng salin ni Anthony Milosz ng tula ni Czeslow Milosz [text]
Sa araw na magugunaw ang mundo
Umaaligid ang putakti sa lagundi
Tinatahi ng mangingisda ang kumikinang na lambat.
Lumulundag sa dagat ang butanding,
Sa may alulod naglalaro ang mga pipit
At ginto ang balat ng ulupong tulad ng dati.
Sa araw na magugunaw ang mundo
Lumalakad sa palayan ang mga babaeng nakapayong,
Nagpapahinga ang lasing sa gilid ng damuhan,
Sumisigaw sa lansangan ang mga nagbebenta ng gulay,
papalapit sa isla ang bangkang dilaw ang layag,
Nananatili ang tinig ng byolin sa ere
at tumutungo sa gabing maraming bituin.
At silang mga nag-aabang sa kidlat at kulog
ay mabibigo.
At silang mga nag-aabang sa mga pahiwatig at mga pakakak ng mga arkanghel
ay hindi maniniwalang nangyayari ito ngayon.
Hanggat nasa kaitaasan ang araw at ang buwan,
Hanggat binibisita ng bubuyog ang rosas,
Hanggat isinisilang ang malulusog na sanggol
Walang maniniwalang nangyayari ito ngayon.
Tanging ang matandang puti ang buhok, na magiging propeta
ngunit hindi pa propeta, sapagkat masyado siyang abala,
ang bibigkas nang paulit-ulit habang nagbibigkis ng kanyang kamatis:
Wala nang ibang dulo ang mundo,
Wala nang ibang dulo ang mundo.
No comments:
Post a Comment