Sa Isang Bintana
salin ni Tilde Acuña ng tula ni Carl Sandburg
Bigyan ako ng pananabik,
O mga diwatang nakaupo at nagbibigay
Sa daigdig ng mga atas nito.
Bigyan ako ng pananabik, hinanakit at pagnanasa,
Pagsarhan mo ako sa kahihiyan at kabiguan
Mula sa iyong mga pinto ng bulawan at katanyagan,
Bigyan ako ng nanlilimahid at nanlulupaypay na pananabik!
Ngunit magtira ng dagling pag-ibig,
Isang tinig na magwiwika sa akin sa takipsilim,
Isang kamay na sasalat sa akin sa madilim na silid,
bumabasag sa mahabang pangungulila.
Sa dapithapon ng mga hugis
Pinalalamlam ang pagkulimlim,
Isang munting naglalagalag na kanluraning tala
Ang sumabad mula sa nagbabagong mga pampang ng anino.
Hayaan akong pumunta sa bintana,
Panoorin mula roon ang mga hugis ng dapithapon
At asamin at alamin ang pagdating
Ng dagling pag-ibig.
No comments:
Post a Comment