Ang Kutob
malayang salin ni Tilde Acuña
ng tula ni Mark Strand
Noong gabing iyon tinangay ang buwan sa lawa,
ginagawang gatas ang tubig, at sa ilalim
ng mga sanga ng mga puno, mga punong mapanglaw, bughaw,
naglalakad ang isang dalaga, at sa isang iglap
lumapit sa kanya ang kinabukasan:
buhos ng ulan sa puntod ng kanyang asawa, buhos ng ulan
sa bakuran ng kanyang mga anak, kanyang sariling bibig na
napupuno ng malamig na simoy, mga dayong naglilipat sa kanyang bahay,
isang lalaking nagsusulat ng tula sa kanyang silid, tinatangay roon ang buwan,
isang babaeng namamasyal sa ilalim ng mga puno nito, inaalala ang kamatayan,
inaalala siya na umaalala sa kanya, at lumalakas ang hangin
at inaangkin nito ang buwan at iniiwan ang papel sa karimlan.
No comments:
Post a Comment