interpretasyon (?) ni tilde acuña ng tula ni maningning miclat
At pagkatapos ay sumakit ang iyong ulo
habang nasa loob ng Pambansang Museo
sa paglakad
sa pagtayo
sa pagtunghay
sa pag-intindi
sa lubos na kaligayahan
at pagkamangha.
Mula Kanluran hanggang Silangan,
sa lahat ng naging,
sa lahat ng darating at magiging,
sa lahat ng dati'y matibay.
Ang pinagmulan ng nilagusan ng panahon,
ang pinagmulan ng buhay na binago ng mga pangyayari,
ay hindi ang mga naisalarawan mo
mula sa mga librong minsan mong binasa.
Mga dambana upang sambahan,
mga palasyo upang palamutian,
mga porselana at mga hiyas,
mga bangkay at mga kabaong,
at bawat katawagan at paglalarawan
ay may kahulugan sa iyo.
Iyan ang dahilan ng umaapaw mong saya
sa lahat ng naisiwalat,
sa garbo at talino,
sa mga buhay at alaala,
sa kung anumang itinira at inipon,
sa kung anumang pinangalagaan at pinag-aralan.
Sa tatlong araw, ika'y
bilanggo ng museo.
Sa takipsilim,
sumakit ang iyong ulo,
at tumulo ang mga luha:
sa kayamanang iyong nasaksihan,
sa kaalamang iyong naintindihan,
sa labis na pagkakalugmok,
sa labis na pagsisiya,
sa panahong ika'y naghintay,
sa paghihirap na iyong nalampasan,
bago ang pagkakataong
makalakad at makatayo,
makatunghay at makaintindi,
makapagsaya nang lubos.
At kaya nakaranas ka ng sakit ng ulo,
isang matinding, matinding sakit ng ulo.
sa post na ito, karapatang-ari ni vanya berezkin ang lahat ng litrato.
No comments:
Post a Comment