Friday, May 11, 2012

isang pang-habang-buhay na saglit (isang interpretasyon ng tula ni maningning miclat) + ilang pakikiramay ngayong umaga


tulad ng nabanggit ko [kahapon], nakaiskor ako sa bargain bin sa vargas museum ng voice from the underworld: a book of verses ni maningning miclat. at, nabanggit ko rin [ilang kahapon na ang nakalipas] na magha-hiatus ang carcosite, pero medyo mahirap palang hindi magkaroon ng labasan ng buntonghininga, kaya eto at nagbabalik ang inyong lingkod sa pagdaragdag ng polusyon sa cyberspace, bagamat napapanindigan pa naman ang pananahimik sa social networking sites.

karamihan sa mga berso na nasa nabanggit na kuleksyon ay may salin sa english at chinese ng mismong makata. mas "interpretasyon" ang ginamit na termino, kaya ito na rin siguro ang gagamitin ko, at ang pinili kong piyesa ay yung hindi pa isinalin ng makata sa ikalawang kuleksyon niya ng mga tula. "To Catch a Second and Turn it to Forever" mula sa unang bahaging Leaving China ang napagdiskitahan ko. narito ang burador:


***


Paghuli sa Saglit at Pagpapanatili nito Habangbuhay
interpretasyon ni tilde acuña ng tula ni maningning miclat

Bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon
Upang mabilang ko ang mga talulot ng rosas.
Hayaan mong panoorin ko ang pagpatak ng ulan (sa antipara),
Habang ako'y umaawit. Habang ako'y humihiyaw.

Bigyan mo ako ng isa pang araw.
Hayaan mo akong maghintay sa pagbabalik nito.
Hayaan mo akong makipagsiksikan sa jeep upang makasabay.
Hayaan mo akong maghinala. Hayaan mo akong mag-isip.

Bigyan mo ako ng isa pang saglit.
Hayaan mo akong malito at makaalpas
Upang mahuli ko ang saglit na iyon
At mapanatili ito habangbuhay.

Babagsak sa lupa ang mga patak ng ulan.
Magsisi-uwian ang madla.
Magkakaroon ng sagot ang bawat tanong.
Hindi mananatili ang magpakailanman.

Tumatakbo at nauubos ang oras.
Kumikirot ang aking kasingkasing,
Naghihintay sa isang tugon,
Naghihintay para ito ay maging.

Kaya pagbigyan mo ako, kahit isang saglit
Sasabay at hahabol ako rito,
Ikakandado ko ito sa aking puso
At gagawin kong magpakailanman itong segundo.

***
ayun. may dalawa pa akong kailangang gawin, labas pa sa mga bagay na may kinalaman sa ohabarts, so, ayun, gudlak sa akin at gudlak din sa iyo at sa lahat at sa kalawakan, salamat sa pagbisita.

(isinulat ko ang blog entry na ito kagabi at ipinost ngayong umagang hindi naging maganda dahil sa masamang balitang namayapa na raw si tony de zuñiga. kinumpirma ko ito kay josel nicolas na siya namang nagkumpirma nito kay norby ela. kamakailan lang, nagkaroon ng tony de zuñiga sketch drive noong free comic book day o FCBD, at naging maayos naman ang mga bagay-bagay hanggang dumating ang balita ngayong umaga--meron sa flipgeeks at pocnaririto ang "Why Tony DeZuniga Mattered a Lot to Us" ni gerry alanguilan


kamakailan lang, namaalam din sina adam 'MCA' yauch ng beastie boys at si maurice sendak, ang may-akda ng "where the wild things are," at ilan pang kwentong pambata. nitong taon, may [ilan pang naunang namaalam], at malamang, dahil infected nga tayo ng sakit na 'buhay,' mamamatay naman talaga tayong lahat. nalimutan ko kung sinong manunulat ang unang nagsabi nito. si gaiman ata. pero, ganoon talaga. kailangan tumangis saglit, at umusad pero may mga kamatayang hindi madaling matanggap, lalo iyong may foul play, kumbaga.

kahapon, kumalat ang masamang balitang [hindi bababa sa 17 manggagawa ang nasawi sa sunog, at maaring kasuhan ang may-ari ng kompanyang novo ng negligence resulting in multiple homicide]; at sa madugong demolisyon sa silverio compound, matatandaang may [isang residenteng nasawi dahil sa karahasan ng demolition squad na kinabibilangan ng swat team] at iba pang elemento ng estado.

hindi dapat maghintay ng habangbuhay ang hustisya. dapat may managot sa lalong madaling panahon. sa kasamaang palad, hindi ito ang mundo ng mga dapat. kaya kailangang mag-giit. at unti-unti, may nararating ito. [may update ang interaksyon sa kaso ng desaparecidos na si jonas burgos.])

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]