Operation Pakawalang Tingga (Galeano)
malayang salin ng [salin] ni Mary Rizzo
ng [artikulo] ni Eduardo Galeano
Upang mapawalang-sala nito ang sarili, lumilikha ang terorismo ng estado ng mga terorista: naghahasik ito ng matinding galit at gumagapas ng mga pangangatwiran.
Mula noong 1948, nabubuhay ang mga Palestinong isinumpa sa walang-hanggang panghahamak. Ni hindi sila makahinga nang walang permiso. Kinuha [1] sa kanila ang kanilang bayan, kanilang lupa, kanilang tubig, kanilang kalayaan, lahat ng dapat ay sa kanila. Ni wala silang karapatang pumili ng sariling pamunuan. Nang bumoto sila para sa mga hindi nila dapat iboto, pinarusahan sila. Pinaparusahan ang Gaza. Naging patibong na walang kaligtasan nang nanalo nang malinis ang Hamas noong eleksyon ng 2006. May katulad na nangyari noong 1932 nang manalo ang Partido Komunista sa halalan ng El Salvador. Tigmak sa dugo, nagbayad-puri ang mga mamamayan ng Salvador dahil sa masama nilang asal at nabuhay sa ilalim ng diktaduryang militar simula noon. Karangyaan ang demokrasya na hindi nararapat para sa lahat.
Ang padaskul-daskol na mga misayl na napaputok ng mga militanteng Hamas tungong Gaza, sa lupang Palestinong kinamkam ng Israeling pananakop, ay inianak ng kawalang-lakas [2]. At ang kawalang-pag-asa, sa bingit ng nagpapatiwakal na kahibangan [3], ay ang ina ng lahat ng bantang nagkakaila sa karapatang manatili ng Israel: pananangis na walang saysay, habang ikinakaila ng mismong kasanayan sa giyera sa nagdaang taon, ang karapatang manatili ng Palestine.
Ilang tipak ng lupang Palestino ang unti-unting binubura ng Israel.
Nanghihimasok ang mga kolonyalista, at pagkatapos nila, susugod naman sa hanggahan ng teritoryo ang mga sundalo. Ginagawang banal ng mga bala ang panloloob bilang lehitimong depensa.
Walang agresibong giyerang hindi nagsasabing depensiba ito o nagtatanggol lamang ito ng sarili. Nilusob ni Hitler ang Poland upang pigilan itong lumusob sa Alemanya. Sinalakay ni Bush ang Iraq upang pigilan ang pananalakay ng Iraq sa buong mundo. Sa bawat depensibang giyera, nilululon ng Israel ang isa pang piraso ng Palestine: tuloy ang pananghalian. Binibigyang-katwiran ang paglamon ng karapatan sa pag-aari (na biyaya ng Bibliya), para sa lampas dalawanlibong taong pagkaaping dinanas ng mga Hudyo at para sa pagkagitlang nagbabadyang likhain ng mga Palestino.
Natatanging bansa ang Israel na hindi tumatalima sa mga rekumendasyon o sa mga resolusyon ng UN; na hindi sumusunod sa mga hatol ng mga hukumang pandaigdigan; na sumasalaula sa pandaigdigang mga batas; at ito ang natatanging bansa kung saan ligal ang pag-torture sa mga bihag.
Sino ang nagbigay rito ng karapatang ipagkaila ang lahat ng karapatan? Saan nanggaling itong impunidad [4], na siyang binabandera ng Israel sa masaker nito sa Gaza? Hindi maaaring bombahin ng pamahalaang Espanyol ang bansang Basque, nang walang pakundangan, upang durugin ang ETA; hindi rin maaaring paputukan ng Bretanya ang Ireland upang puksain ang IRA. Hind kaya kasama ng trahedyang Holocaust ang polisiya ng walang-hanggang impunidad? O baka nagmumula sa mga bigating makapangyarihan (na may panatikong mga kampon sa Israel) ang kumpas para sumulong at magpatuloy sa pagsalakay [5]?
Alam ng sandatahang Israeli, pinaka-moderno at pinaka-sopistikado sa daigdig, kung sino ang pinapasalang nito. Hindi ito nakakapatay nang nagkataon lang. Pumapatay ito nang nananakot [6]. "Collateral damage" ang tawag sa mga biktimang sibilyan, ayon sa diksyunaryo ng ibang nandirigmang emperyo. Sa Gaza, tatlo sa bawat sampung bata ang "collateral damage." At umaabot sa libo ang mga napinsalang biktima ng mutilasyon--na matagumpay na sinasanay ng industriya ng giyera sa operasyong ito ng genocide [7].
At lagi't lagi, laging gaya ng dati: sa Gaza, sandaan para sa isa. Sa bawat sandaang Palestinong pinapatay, isa ang sa mga Israeli.
Mga taong mapanganib (banta ng isa pang pumupukol) ang namamahala sa midyang mapanlinlang na nag-aanyayang isipin nating katumbas ng isandaang buhay ng Palestino ang bawat isang buhay ng Israeli. At ang mga masmidyang ito rin ang humihiling sa ating isiping makatao ang dalawandaang atomik bomb ng Israel, at ang kapangyarihang nukleyar na tinaguriang Iran ang siyang tunay na lumipol sa Hiroshima at Nagasaki.
Ang tinatawag na "international community," mayroon nga bang ganito?
Higit pa ba ito sa samahan ng mga negosyante, mga nagpapautang nang may malaking tubo at may-ari ng mga pagawaan ng giyera [8]? Higit pa ba ito sa malikhaing pamagat na ikinakabit ng Estados Unidos sa pagtatanghal nito sa entablado?
Bago pa ang trahedya ng Gaza, nagpakita nang muli ang pandaigdigang pagbabalatkayo. Kailanman, pagbibigay-pugay sa sagradong impunidad ang kawalang-pakialam, ang diskursong hungkag, mga deklarasyong walang katuturan, mga pahayag na mapagmataas, mga pusturang walang katiyakan.
Bago pa ang trahedya ng Gaza, naghuhugas-kamay na ang mga bansang Arabo. Tulad ng dati. At, kailanman, nagpipilipit ng mga kamay ang mga bansang Europeo.
Naghuhunos-dili sa pagtangis ang matandang Europang mahusay sa digmaan at pamiminsala habang palihim nitong ipinagdiriwang ang mga beteranong hakbangin: dahil kaugaliang Europeo ang pamamaril ng Hudyo, pero kalahating siglo na ang nakalipas at pinagbabayaran ng mga Palestino (na Semita rin at hindi kailanman anti-Semite) ang istorikong atraso. Dugo ang halagang ibinabayad nila sa utang ng iba [9].
***
ilang tala:
[1] Nasa passive ang salin sa Ingles, at maaring isalin bilang "nawalan sila ng lupa," pero minabuting bigyang-diin ng tagasalin na may nang-agaw, may nangamkam.
[2] May problema ang Hamas, pero ayaw sana itong diinan ng nagsalin upang maituon ang paniningil sa pagpondo ng Estados Unidos sa Israel at sa right to self-determination ng Palestine, kaya lesser Evil ang Hamas kumpara sa Nazionist na Imperialist allies na mga Hudyo. Pero dahil binanggit ni Galeano, at salin naman ito, at mahalaga namang pagbabanggit ito bilang mamamahayag, isinama pa rin ang datos na ito.
[3] "suicidal madness" ang salin sa Ingles. May ilan pang napahabang pagsasalin na hindi maiwasang haluan ng interpretasyon, tulad nga ng nasa unang talababa.
[4] Ginawang interchangeable ang "impunidad" at "kawalan ng pakundangan," pero sa totoo lang, obviously, mahirap hanapan ito ng eksaktong salin sa ating wika.
[5] "go signal" at iba pang mahirap isalin, kaya maraming panghihimasok ang tagasalin dito.
[6] Hindi raw pumapatay "by error" kundi "by terror." Tinangkang panatiliin ng nagsalin ang ritmo.
[7] "ethnic cleansing" ang nasa salin sa Ingles, pero nagpasyang gamitin ang "genocide."
[8] "merchants, bankers and war-makers" ang nasa salin sa Ingles, napahaba sa ating wika.
[9] Tinangkang kumpunihin ang paglalagom dahil may kalabuan ang salin sa Ingles, tulad na lang ng pangwakas na pangungusap: "They are paying, in blood money, the price of others."
No comments:
Post a Comment