Wednesday, July 4, 2012

Mga Kandila (halaw kay Sylvia Plath, alay sa mga lumisan)

muli akong humiram ng tula upang makiramay at magdalamhati para sa mga nagbalik ng hiniram nilang buhay. nitong nakaraang weekend, dalawa ang pumanaw. noong biyernes, si Lola Mameng, nanay ng nanay ko, at inilibing na siya kahapon. hindi ito gaanong naging mabigat (tulad ng ibang pagtawid sa kabilang buhay ng mga idolo sa sining at panitikan na nakapamuhay at nakapag-ambag nang sapat sa sangkatauhan at sa mga mahal nila sa buhay) dahil mas mainam ang kamatayan upang maibsan na ang hirap na pinagdaraanan niya. noong sabado, si Arman Albarillo naman, mass leader noon sa timog katagalugan habang nagsisimula pa lamang akong mag-aral ng lipunan, ang namatay sa engkwentro bilang gerilya ng bagong hukbong bayan. bago ang halaw na piyesa, naririto ang isang silip sa buhay ni Ka Arman, mula sa pahinang nagdiriwang ng kanyang kabayanihan:

"Kung Laya’y bihag ng Iilan, at ang Hustisya’y lukob ng Dilim, Paglaban ay Makatarungan! [mula sa Arman Albarillo: Bayani ng Sambayanan]
Si Arman Albarillo ay mula sa isang pamilyang magbubukid sa isla ng Mindoro Oriental. May asawa at mga anak, pangalawa sa kanilang 8 magkakapatid. Ang kanyang mga magulang na sina Expidito at Manuela Albarillo ay pinaslang noong Abril 8, 2002 sa San Teodoro Mindoro Oriental ng pinaghihinalaang mga militar sa pamumuno ni Ret Gen Jovito Palparan Jr. ng Philippine Army.
Matapos paslangin ang kanyang mga magulang, nakatanggap din si Arman at ang mga kapatid niya ng pagbabanta mula kina Palparan, kaya nilisan nila ang Mindoro noon ding taong 2002. Naging internal refugee silang magkakapatid at maging ang pamilya ni Arman. Nag-bakwet sila upang isalba ang kanilang buhay.
Matapos nilang lisanin ang kanilang bayan, naging pursigido si Arman sa pagbatikos sa gobyernong Arroyo, naging masigasig din siya sa paglalantad ng nangyari sa kanyang mga magulang habang patuloy na naghahanap ng hustisya. Dahil dito pumasok at sumama siya sa mga organisasyong nagtatanggol ng karapatang pantao.
Naging pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan sa Southern Tagalog si Arman.
Hindi nagtagal lalong dumami ang natatanggap ni Arman na iba’t ibang banta, katunayan inilagay pa siya sa Order of Battle ng militar at pulis.
Noong 2008, kinausap si Arman ng mga ahente ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines at pilit siyang pinababaligtad. Tahasan niya itong tinanggihan.
“Gawin na lang nila ang gusto nilang gawin sa akin tulad ng kanilang ginawa sa aking mga magulang. Hinding-hindi ako titigil sa paghahanap ng hustisya para sa aking pamilya at buong sambayanan.”
Nang hindi mapabaligtad at mapatahimik si Arman, sinampahan siya ng gawa-gawang kaso sa diumano’y pagkakasangkot niya sa pananambang ng militar at panununog noong Marso 2006 sa Puerto Galera Oriental Mindoro. Kasama ang 71 pang inidibidwal, noong Oktubre 2008 kinasuhan si Arman ng Multiple Frustrated Murder at Multiple Murder sa Mindoro Oriental.
Pansamantalang mawawala si Arman sa pakikibaka sa lansangan. Pansamantalang mawawala ang boses niya sa himpapawid.
Ang lingid sa karamihan, may pinili nang ibang landas si Arman upang higit na marinig ang tinig niya. Nakay Arman ang lahat ng dahilan para mag-armas at sumapi sa New People’s Army.
Noong Hunyo 30, nasawi si Arman sa isang enkwentro.
Sa laki ng ambag ni Arman at ng kaniyang pamliya sa pakikibaka ng mamamayan para sa pambansa-demokratikong adhikain nito, isa sana si Ka Arman sa karapat-dapat na makasaksi sa pagtatapos at tagumpay ng rebolusyon ng sambayanang Pilipino.
Subalit nauna na niyang inialay ang kanyang buhay para sa iba pang hanggang ngayo’y naghahanap ng dahilan – silang mga tiyak na makakatunghay ng liwanag sa pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon na hahawi sa dilim."
***

naririto ang halaw, nasa ibaba nito ang mga kaugnay na aktibidad:

Mga Kandila
hinalaw ni Tilde Acuña sa tula ni Sylvia Plath

Sila ang huling mga romantiko, itong mga kandila:
Mga patiwarik na puso ng liwanag na kumakanti sa mga daliring pagkit,
At ang mga daliring unang naigugupo ng sarili nilang luwalhati
Na nagiging tila gatas, bahagyang matining, tulad ng katawan ng mga santo.
Nakakaantig ito, ang paraan kung paano nila ipagkibit-balikat

Ang isang buong pamilya ng mga tampulang nakasungaw
Upang maarok lamang ang lalim ng balintataw
Sa kahungkagan ng anino nito, ng pabitin ng tongali* nito,
At ng nagmamay-aring lampas trenta, walang anumang alindog.
Mas magiging makatwiran ang bukang-liwayway

Na nagbibigay sa lahat ng patas na paghuhukom.
Sana'y humayo na sila lulan ng mga lobong lumilipad.
Hindi ito panahon ng pansariling punto de bista.
Tuwing sinisindihan ko sila, tila nasasalubsob ang aking ilong.
Ang kanilang mapusyaw, alanganing mga amarilyo'y

Humihila ng mga taksil, mga sentimiyento kay Aguinaldo.
At naalala ko si Nanay**, ina ng aking ina, mula sa Maynila.
Nang munti pang mag-aaral, nagbibigay siya ng rosas sa hari.
Luhaan at pawisan ang mga komersyante. Nakaputi ang mga paslit.
At palaboy ang aking lolo sa Baguio,

Ipinapalagay ang sarili niyang punong serbidor sa Pilipinas,
Lumulutang sa katahimikan ng simbahang kaitaasan
Sa balde ng yelo, mga lamping namumuti sa lamig.
Sintamis ng peras itong munting mga bola ng liwanag.
Magiliw sa mga baldado at matampuhing binibini,

Sinusuyo nila ang buwang walang adorno.
Nauupos ang mongheng kaluluwa, papuntang langit at walang kabiyak.
Madalang dumilat ang inaalagaan kong sanggol.
Sa dalawampung taon ako'y magbabalik-tanaw
Tulad nitong mga mabugsong kulisap.

Tutunghayan kong magdilim mga luha nila, mapagal hanggang maging perlas.
Paano ako magbabahagi ng kahit ano
Sa batang itong inaantok pa rin buhat sa pagkakasilang?
Ngayong gabi, tulad ng sahal, yayakapin siya ng banayad na liwanag,
Sisilipin ng mga anino ang mga bisita sa isang binyag.

***

naririto ang ilang aktibidad na may kinalaman sa lamay para kay Ka Arman:

Bilang pagbibigay ng pinakamataas na pagpaparangal sa mga bayani ng sambayanang sina Arman Albarillo, dating pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-Timog Katagalugan, at kasama nitong si Darwin Amay, dating miyembro ng Anakpawis Party-list, inaanyayahan po tayong lahat sa mga sumusunod na aktibidad ngayong araw, Hulyo 4:
10am – Caravan mula Gumaca, Quezon patungong UP Diliman
1pm – Salubong sa Lucena City
2pm – Salubong sa Junction, Los Banos
3:30pm – Maiksing programa sa Calamba City
7pm – Salubong sa Philcoa, Quezon City
Ang kanilang mga labi ay ihihimlay sa Parish of the Holy Sacrifice sa UP Diliman simula bukas, Hulyo 5. Pakiantabayanan na lamang ang iba pang mag detalye.
Inaanyayahan po tayong lahat na magsuot ng itim na damit at maglagay ng itim na ribbon sa dibdid ng ating mga damit, sa braso o sa ulo upang ipakita ang ating pakikiramay. Maraming salamat po sa inyong taos-pusong pagpupugay at pagpaparangal. Pakipasa pagkabasa.
*tongali ay nose flute. pinalitan ko ang iba pang mga pangalan. **ina rin ng aking ina ang kakatawid lang sa kabilang panig. maraming salamat sa pagbisita. hanggang sa muli. [may karagdagan ang bulatlat dito] [may artikulong angkop sa ika-4 ng hulyo rito, "ANG MGA KAMPANA NG BALANGIGA: BATINGAW NG ANTI-IMPERYALISTANG ARMADONG PAGBABALIKWAS"]

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]