Ang Taon ng Paggawa sa Pabrika
hinalaw ni Tilde Acuna sa tula ni Edward Hirsch
Nangangatog ang isang baso ng serbesa sa mesa,
Hindi pa ito nagagalaw, at tumapon ang ilaw sa balikat niya.
Yumuko siya at tumingin sa repolyo sa kanyang pinggan,
Tinitigan ang pinira-pirasong pandesal. Mungkahi:
Ang di-mapapawing pagkaailipin ng manggagawa. "Ang kumayod
Upang kumain, ang kumain upang kumayod." Ngunit alalahanin:
Hindi isa sa isa ang tumbasan nito dahil sa sandosenang kahig
Kalahating tuka, sa kalahating tuka sandosenang kahig.
Iniisip niya ang tik tak ng orasan sa kanyang dibdib,
Ng mga gabing pinalalalim ng mga damong gumagapang,
Sa usok na buntonghininga ng mga piyesa, sa loob ng pabrika
Kung saan may bakal na tumatarak sa kanyang tadyang
Sampung oras kada araw. Araw-araw. Hindi siya kumakain.
Hindi siya natutulog. Halos hindi siya nag-iisip. Hindi
Nakadaramang hindi siya nakadarama. Hindi umiimik katulad
Ng mga kapwa-manggagawang galamay lamang ng dambuhalang
Makina, ngayong nakaranas na siya ng karahasang bigwas
Ng bisig ng kakulangan at nakatikim ng dugo, ngayong
Minarkahan na ng pugon ang kanyang balat at itinatak na
Sa kanyang noo ang kanyang halaga, ang kanyang presyo.
Tiyak namang lalapit ang Diyos sa mga ninakawan
Ng pagkakataon, sa mga nagwewelding na may maskarang
Bakal at antiparang marilim, sa mga manggagawang kulang
Sa karanasan, silang inuubos ang kanilang oras
Sa paghugot mula sa apoy ng mga pinanday na bakal.
Tiyak namang magpaparamdam ang Diyos sa mga walang lakas,
Walang mukha, walang pangalan, walang tinig, walang dangal,
Silang mga nakagapos ang mga binti sa walang patumanggang
Pagkilos, at silang masyadong kapos ang lapad ng palad.
Mungkahi: "Sa paggawa nagagawang materyal ng sinuman
Ang kanyang sarili, kawangis ni Kristo sa Sakramentong Banal.
Tulad ng kamatayan ang paggawa. Dapat tayong dumaan
Sa kamatayan. Dapat tayong mapaslang."
Kailangan nating gumising upang kumayod, gumawa
At magbilang, mabigo nang paulit-ulit, ibigay ang sarili
Sa nangngangalit na himig ng makina, magdusa
Sa kaguluhan at manirahan sa mga pag-uulit
Upang maging halimaw na alay: Labas-masok ang panahon
Sa katawan, Labas-masok ang espasyo sa panahon, Labas-
Masok ang katawan sa espasyo, Labas-masok ang panahon
Sa manipis na espasyong namamagitan sa kanyang noo
At sa mesa: Ang kumayod upang kumain, ang kumain...
Sa labas, nauupos ang mga gamu-gamo, nagliliyab sa pagiging
Mga tala, at tila mga abaloryo sa isang hibla ang mga tala sa langit.
Sa loob, nangangatog ang isang baso ng serbesa sa mesa
Katabi ng malamig na repolyo at pinira-pirasong pandesal.
Gabing nakakagupo, likido siyang umaapaw
At pagkaing hindi nagalaw. Saluhan mo siya't damayan.
No comments:
Post a Comment