narito naman ang ilang simula. maganda ang weekend dahil may dumating na mga aklat. gulok pa ang pa-epek na ginamit kong pangbukas. wala rin kasing malapit na gunting o cutter.
nariyan naman pagkatapos ng cut ang huling ambag na artikulo hinggil sa filipino bilang asignatura.
***
General
Education at Globalisasyon:
Isip,
Salita at Gawa Para Kanino?*
Apektado ang UP sa isterya
ng internasyunalisasyon. Wika nga ni Assistant Vice-President for Academic
Affairs Marilou Nicolas, darating ang integrasyon sa Association of Southeast
Asian Nations (ASEAN)sa 2015, sa ayaw natin at sa gusto. Susi sa pakikisama sa
mga karatig-rehiyon sa Asya ang pag-ayon at paglapat ng General Education
Program (GEP) sa pangangailangan ng internasyunal na komunidad at pag-angkop sa
programang K to 12 sa batayang edukasyon.
Programa
at Mga Panukala
Kasama sa mga ipinrisintang dokumento ni Nicolas sa
Expanded GE Committee Workshop sa Subic noong
ika-21 hanggang -23 ng Mayo ang tsart na nagkukumpara sa Revitalized General
Education Program (RGEP) Hybrid at bagong GEP.
Layunin ng naturang palihan, ayon
kay Nicolas, na pagsamahin at pangasiwaan ang “harmonized” na mga balangkas ng
GE, pero maaaring bumatay ang mga constituent unit (CU) sa niche nila; at
nagtakda rin ang palihan ng mga CU na punong-abala sa bawat asignatura.
Paglilinaw pa niya, hindi madadagdagan o mababawasan ang mga taon
ng pag-aaral sa kolehiyo, kahit magiging 30-yunit GE na lang sa bagong GEP
(katumbas ng isang akademikong taon) mula sa dating 45 unit sa RGEP, dahil
ilalaan sa major ang natitirang tatlong taon.
Asignaturang walang elektib ang
gusto ni UP President Alfredo Pascual, ayon kay Nicolas. Sa layunin naman, hindi
tinanggal sa bagong GEP ang dating nasa RGEP: pagpapalawak ng larangang
intelektwal at kultural; at pagpapayabong ng pagkatig sa nasyunalismong
binabalanse ng pagpapahalaga sa internasyunalismo. Idinagdag lang sa bagong GEP
ang pagpapalalim ng kapasidad sa integrasyon ng kaalaman at kasanayan
(knowledge and skill); at pagkintal ng “passion for life-long learning.”
Simula 1987 pa nagtuturo ng GE
subject ang kasalukuyang tagapangulo ng UP Diliman GE Committee* Center na si Prop.
Robin Daniel Rivera ng Department of Art Studies. Sa panayam ng UP Forum sinabi niyang noong 2009, muli
nilang pinag-aralan ang RGEP at pinagtibay ang taunang kumperensya hinggil dito
noong 2011. Sa kauna-unahang kumperensya, muling ipinakilala ang ilang asignaturang
required GE, at ito ang tinaguriang Diliman “Hybrid” GEP, na siyang
magsisilbing paunang hakbang para sa potensyal na pagbabago—at pagrerepaso sa
kalaunan.
Binubuo ng 45 yunit ang “Hybrid” GE, 15 yunit
ang kukunin sa bawat larangan (Arts & Humanities o AH, Social Sciences
& Philosophy o SSP at Math, Science & Technology o MST): sa AH, dalawa
ang elektib at tatlo ang required (English 10, Filipino 40, Communication 3);
sa SSP, tatlo ang elektib, dalawa ang required (Kasaysayan 1, Philosophy 1); at
sa MST, tatlo ang elektib at required ang isang Math GE at ang STS.
Kinailangan ding tugunan ang mga eksternal
na pagbabago, sabi ni Rivera, tulad ng (1) programang K to 12 ng Departamento ng
Edukasyon (DepEd); (2) bagong GEP at ng
College Readiness Standards (CRS) ng Commission on Higher Education (CHED); (3)
integrasyong ASEAN; at (4) panukalang GEP ng UP System, na tinagurian niyang
“System 8.” Kabilang naman sa unang panukalang ito (Setyembre 2013) ang 36
yunit: 12 elektib at 24 batayang yunit na katumbas ng 8 asignatura: (1) Ethics;
(2) Self and Society; (3) Mathematics, Culture and Society; (4) Science
Technology and Society; (5) Living Art and Culture; (6) Living Systems; (7)
Life and Works of Rizal; at (8) Understanding the Physical Universe.
Oktubre 2013, isang buwan
makalipas ang unang panukala, hinapag ni dating Chancellor Caesar Saloma ang
planong may anim na yugto: (1) pagtatag ng UPD GE Center; (2) pagdaraos ng mga
konsultasyon; (3) pagpapaunlad ng mga kurikulum; (4) pilot tesing; (5)
pagtitibay (?) ng mga kurikulum; at (6) pagpapagulong ng pinag-isipang programa
sa 2018, sa pagpasok ng unang mga nagsipagtapos sa ilalim ng programang K to 12.
Sa palihan ng Diliman, pinag-usapan
ang rationale ng deadline para sa bagong GEP. Sa kabila ng kagustuhan ng
Diliman na repasuhin ang programa, hindi nais madaliin ang proseso kaya
naghapag si Rivera ng pagpapaunlad ng GEP na maisasakatuparan makalipas ang
limang taon. Ayon kay Rivera, iminungkahi ng mga CU ang ilang pagbabago tulad
ng pagdaragdag ng kurso sa komunikasyon at kasaysayan at pagpapanumbalik ng
asignaturang Rizal. Hindi rin agad nagkasundo sa pamagat ng mga batayang kurso
at nakukulangan ang mga CU sa panahong ibinigay ng UP System. Magpapatuloy ang
UP Diliman sa pakikilahok sa mga palihan hinggil sa GE at sa naturang anim na
hakbang, ayon kay Rivera, hindi bilang pagpayag sa orihinal na “System 8” pero
bilang konsultasyon sa mga kasamahang guro sa ibang CU.
Dagdag niya, sa kabila ng
pagtutok ng administrasyon sa mga kasunduang may kinalaman sa integrasyon sa
rehiyon (ng timog-silangang Asya), ang interes naman nilang mga akademiko ay
pagpapayabong ng kaalaman at mga pedagohiya (o pamamaraan ng pagbabahagi ng
kaalaman) na siyang magtutulak sa paglago sa mga erya nang higit pa sa
ekonomiyang rehiyonal. “Walang kakulangan sa ganitong pagnanais sa mga edukador
ng UP Diliman. (...) Pinabubulaanan nito ang akalang nagpapayaman lang ang mga
guro sa overload teaching pay sa halip na sumabak sa pananaliksik. (...)
Nakadepende sa pondong ilalaan ng administrasyon ng UP ang pagsabay ng
pamantasan sa kalidad ng mga karatig-rehiyon sa Asya, kung mabibigyan ng
kinakailangang rekurso ang mga mga guro sa GE man, propesyunal na pagsasanay,
interaksyong pangkolehiyo o pananaliksik,” ayon kay Rivera sa Ingles.
Ayon sa tsart ni Nicolas: (1) History (Philippine
History, Heritage and Culture); (2) Rizal (The Life and Works of Jose Rizal); (3)
Living Art; (4) Communication; (5) Ethics; (6) Self & Society; (7)
Mathematics, Culture and Society (Mathematics, Culture and Society); (8)
Science, Technology and Society (STS); (9) Living Systems; at (10)
Understanding the Physical Universe. Sa sampung asignatura, ang apat na may
pamagat sa loob ng panaklong pa lamang ang may “harmonized” na balangkas,
kasama ang kursong Rizal na dating PI 100.
Walang
Filipino sa GEP
Walang asignaturang Filipino
sa GEP ng UP, na siyang magiging mainit na isyu dulot ng CHED Memorandum No. 20
Series of 2013 na nagtatanggal sa Filipino sa GE Curriculum (GEC).
Karaniwang maririnig sa mga
nagnanais magpatanggal sa asignaturang Filipino ang pagtuturo nito sa huling
mga baitang sa programang K to 12. Kultura naman ang binigyang diin ni Nicolas:
Pambansang identidad ang ating problema at hindi naman bawal magturo sa wikang
Filipino.
Dagdag ni Nicolas, ituturo
naman sa pangkulturang GE kung ano ba ang “Filipino.” Para sa kanya, hindi
pagiging hindi nasyunalista ang hindi pagtuturo sa Filipino at mas mainam
bigyang-diin ang kasaysayang kultural kaysa pulitikal para mahanap ang ating
“national identity.” Hindi sapat at limitado ang asignaturang Filipino sa
programang K to 12 dahil lampas pa sa balarila at komunikasyon ang Filipino,
para kay Prop. Rommel Rodriguez, pambansang
secretary-general ng All-UP Academic Employees Union (AUPAEU). “Sa kolehiyo,
marami pang marapat matutunan ang mga mag-aaral [na papasok sa UP] hinggil sa
Filipino bilang instrumento ng pananaliksik at panunuri sa lipunan, kasaysayan
at kultura. (…) at hinggil sa iba’t ibang larangan ng Filipino, tulad ng wika,
araling pilipino, panitikan, at malikhaing pagsulat.”
Mga
Prototipo
“Maski yung ‘Thai-ness’ itinuturo sa Thailand
in English kasi nga may mga international students. Thais are one of the most
nationalistic people in the world,” ani Nicolas. Pero iba ang kalagayan sa Indonesia at Malaysia, kung saan ang mga dayong estudyante
ang dapat umangkop sa kultura ng naturang mga bansa. Ayon sa nilahad sa porum
na Bantay Wikang Filipino ni DFPP Prop.
Ramon Guillermo, pambansang presidente ng AUWAEU, labindalawang taon din ang
batayang edukasyon—elementarya at sekundarya—sa Indonesia
at Malaysia.
Ganito rin sa Thailand.
Ayon kay Guillermo, maraming unibersidad sa Indonesia at Malaysia—na katumbas ng UP bilang
state university—ang may batayang kurso sa bahasa (wika) na mandatory sa
GEP. Mas maunlad ang mga naturang wika
bilang wikang pambansa. Sa kani-kanilang Senado at Kongreso, kailangang humingi
muna ng permiso bago magsalita ng Ingles dahil dapat maintindihan ng
ordinaryong tao ang lehislasyon ng batas.
Ani Guillermo: “Kailangang
igiit na iba ang katangian ng pag-aaral sa basic education at sa pag-aaral sa unibersidad.
May mga espesipikong kasanayan sa pagpapaunlad sa Filipino bilang wikang
intelektwal at wikang ginagamit sa sayantipikong larangan. Dahil sa mas
atrasadong katangian ng wikang Filipino, palagay ko, lalong kailangan ng core
course na wikang Pilipino sa ating core course sa kolehiyo.”
Sa parehong porum, ibinahagi ni
Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Rep. Antonio Tinio ang “Recto
Avenue” ng Indonesia, kung saan nagbebenta ng mga librong secondhand—ang
pagkakaiba lang, nasa Bahasa ang mga ito, kabilang ang mga aklat sa agham,
matematika, pilosopiya, maging mga best seller. Tatlo ang susing punto ni Tinio:
(1) pagpapatunay sa antas ng akademikong diskurso sa mga unibersidad ng
Indonesiang maunlad kumpara sa Pilipinas, sa kabila ng limitasyon dahil wala
pang mga aklat sa hard science, law at engineering; (2) indikasyon ng
kasiglahan ng gawaing pagsasalin sa akademya at sa kultura ng Indonesia, hindi
tulad sa Pilipinas na pinakamaraming isinasalin sa showbusiness at sa mass
media; at (3) senyales ng masiglang produksyon ng libro, hindi tulad sa
Pilipinas na import-dependent na nga sa maraming produkto, ganoon pa rin sa mga
aklat.
Nagbalik-kasaysayan si Tinio: “ Noong
1987 ay nanguna ang UP at nagdeklara si [former UP President] Jose Abueva: lahat
ng kurso sa unibersidad ay ituro na sa Filipino—hindi lang panitikan at araling
Pilipino, kundi matematika, siyensa, engineering, medicine, microbiology, lahat
ng kurso, ganoon ang plano. Itinatag ang Sentro ng Wikang Filipino (SWF) para
maisakatuparan ito; may 5-year plan. Katulad ng binanggit ni [Guillermo], yun
ang tinarget [natin tulad] ng Malaysia noong 1980s, kaya lang ano’ng nangyari
sa patakaran? (…) Dumating ang globalisayson, noong panahon ni dating Pangulong
Fidel Ramos. Philippines 2000: deregulation, liberalization, privatization at
yung pagtutulak sa wikang Ingles bilang susi sa global competitiveness. Kaya binitiwan
ng UP ang language policy. Noong panahon ni [former UP President] Francisco Nemenzo,
nagkaroon ng devolution: ibinasura ang patakaran at mula noon ay paatras na at
nasa depensiba na ang mga nagtataguyod ng wikang Pilipino.”
Dagdag pa niya, “Sa education system, revised basic education
curriculum ang naging patakaran noong 2002. Binawasan yung mga minutes para sa
wikang Filipino at para sa mga subject na itinuturo gamit ito under Makabayan. Noong
panahon ni Gloria [Arroyo], EO 210 naman: kailangang gamitin ang Ingles bilang
primary medium of instuction sa college. Naging English speaking, tapos
magmumulta ka ‘pag gumamit ng Filipino. Itong pinakahuli[ng bigwas], ‘yung CHED
memong magtatanggal sa Filipino sa GEC. Sa UP GEP may equivalent yan. System 8
o System 10? Essentially ganoon din, tatanggalin na ito as a required course. Last
stand na ba ito ng Filipino?”
Ang
Proyekto
May tatlong implikasyon
kung walang asignaturang Filipino sa GEP ng UP ayon kay Rodriguez: (1) binabalewala nito ang Patakarang Pangwika
ng U.P. na inaprubahan ng Board of Regents noong Mayo 29, 1989 kung saan nakapaloob na
“mangunguna ang Unibersidad sa pagtulong na bumuo ng pambansang wikang ang
tawag ay Filipino, ang wika ng ating sibilisasyon;” (2) binubura ng bagong
panukala ang nakamit na tagumpay ng wikang Filipino bilang wika ng pananaliksik
at ang intelektuwalisasyon nito; at (3) isinasantabi ang halaga ng pag-aaral ng
Filipino bilang lunsaran ng identidad at kaalamang-bayan. “Paurong ang nagiging
perspektiba ng Unibersidad sa halip na maging pasulong.”
Inugnay ni Flores ang patakaran sa
edukasyong kumikiling sa internasyunalisasyon sa balangkas ng globalisasyong
binibigyang-katwiran ng ideolohiyang neoliberalismo, kung saan sinasalansan ang
lahat ng aparato upang umastang parang negosyo. Mapapansing ganito ang
nangyayari sa UP, simula nang magtaas ng matrikula dahil sa pag-abandona ng
estado sa responsibilidad nito: humahanap na ng pagkakakitaan ang UP, kabilang
ang pag-angkop sa posibleng mga kustomer na mapaglalakuan ng edukasyong UP,
pakikipagsosyo sa pribadong mga korporasyon at pagpaparenta ng mga lupain,
halimbawa, sa mga Ayala. Sabi ni Flores, winiwala tayo gamit ang wika at
inaangkin ang maling kahulugan.
“Ang intelektwalisadong
wika at propesyon sa wika o larangan ay nasa balangkas talaga ng edukasyong
kolonyal. Magsisimula talaga dito bilang panimulang tungtungan sa demokratisasyon.
Ibig sabihin, pagbibigay-puwang ng paglikha ng kaalaman at pagpapalawig ng
kakayanan ng taong magpahayag sa wika kung saan sila komportable. Hindi lang
ito sentimental, pero sentral sa demokrasya o panlipunang hustisya,” ani Flores.
Bagamat mahalaga ang pambansang identidad, tulad ng
sinasabi ni Nicolas, mahirap itong makamit kung walang asignaturang Filipino sa
GEP. Sa karanasan ng Indonesia at Malaysia, matatayang mas matibay ang
kabuluhan ng nasyunalismo sa unang dalawang karatig-rehiyon. Sa Thailand kung
saan sa Ingles itinuturo ang “Thai-ness,” na siyang tutularan ng UP upang
makapagsilbi sa dayong mga iskolar at mapabatid sa kanila ang “Filipino-ness,”
tila nagiging turismo ang kahihinatnan ng dapat sana ay akademikong mobilidad.
“Kailangan talaga magkaroon ng
perspektiba ang mga estudyante na Pilipino sila. Hindi lang sila Ilokano o Kapampamngan,
kundi Pilipino rin sila. Mahirap ka na nga, sasagasa ka sa globalisasyon at kalat-kalat
ka pa,” ani Flores. Para sa kanya,
problematiko ang multi-polarity, multi-perspective o lubusang diversity at mas
mainam nang nagkakaisa, malakas at may pagkakaisa. Tila sinagot ni Flores ang hamon ni Tinio: kung “last stand na ba ito ng
Filipino?” Sabi ni Flores, “Huwag na tayong umatras, umunlad na ang akademikong
larangan ng Filipino. Ang erya ng linguistics, applied linguistics,
sociolinguistics, lexicography, pagsasalin, pagpalanong pangwika, pagsasalin, malikhaing
pagsulat, araling Pilipino. Ito ang ‘gusi’ ng kaalaman, ito na yung balon o knowledge
production. Ito na yung inabot ng pagtatapat ng kaalaman ng consciousness ng
area of knowledge dun sa isang globalisading kaalaman.”
Sa parehong porum, nagbalik-kasaysayan si Pambansang
Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera at nilagom na ang pinakaugat ng problema sa
edukasyon ay ang edukasyong kolonyal na ipinamana sa atin ng imperyalismong
Amerikano. Tulad ng maraming makabayang akademiko, pabor si Lumbera na unahin
muna ang kapakanan ng mga Pilipino, bago ang dayuhan:
“Ang mga Filipino ay nakalimutang isaalang-alang ng mga
edukador na nagplano ng pagtatayo ng K to 12 at patuloy na pagpapalaganap ng
kolonyal na edukasyon sa Pilipinas. Bakit [nga ba] kailangang ang edukasyon ay
maituon sa sambayanang Pilipino, sa halip na sa mga mmamayan sa daigdig? Ang
mga Pilipino ang unang dapat paglingkuran ng ating education system, pero
lumalabas na [pinapahaba lang ang pag-aaral dulot ng K to 12] upang maging
kwalipikado silang maglingkod sa mga kompanya sa labas ng Pilipinas. Anong
requirement para ang isang Pilipino ay makapaglingkod sa mga kompanyang ito?
Kailangan ang panahong ginugol ay katulad ng panahong ginugol ng mga Amerikano,
mga British at iba pang mga English-speaking countries.”
“Kung ating uulitin ang tanong,” pagpapatuloy ni Lumbera,
“para kanino ba ang edukasyon sa Pilipinas? Makikita natin na sa halip na ang
mga Pilipino ang makinabang sa pagbabagong nagaganap sa ating pamahalaan, mga
dayuhang kumpanya ang nakikinabang. Dito nakaugat ang paniniwala [at
paninindigan] nating kailangang ang wikang panturo ay wikang katutubo sa Pilipinas.
Kung mangyayari ito, ang mga pagpapahalagang tinatanggap ng mga mag-aaral ay
mga pagpapahalagang nakaugat sa kasaysayan o kultura ng ating bayan. Ito ang
nagbibigay sa mga taong nagkamit ng edukasyon ng batayang pagpapahalaga para sa
ating kasaysayan at kultura. Iginigiit natin na sa halip na Ingles ang maging
wikang panturo, ang wikang Filipino o alinmang wikang makapagpapasok sa
kaolooban ng ating kabataan ng mga pagpapahalagang nakaugat sa ating buhay at
sa ating kasaysayan ang siyang pagtuunan ng pansin. Hindi tayo makasusulong
upang maging isang ganap na malayang bansa kung hindi natin pagtuunan ng pansin
sa edukasyon ang lahat ng Filipino—hindi edukasyon lamang ng mga iilang
kabilang sa naghaharing uri na siyang humahawak ng kapangyarihan sa ating
bansa.”
Dagdag ni Rodriguez sa GE bilang batayang mga asignatura,
“Marapat [itong] tumugon sa pagpapalakas ng pagiging makabayan ng mga mag-aaral
habang pinapaunlad ang kanilang kakayanang intelektuwal at pang-akademya.
Halata na nakaangkla sa dayuhang perspektiba o modelo ang panukalang GEP. Hindi
maitatanggi ang pagkakahawig nito sa GEP ng Harvard. Bagaman may ilang pag-amin
na naimpluwensyahan ng modelong ito ang panukalang programa na nais gawin sa UP,
mahalagang isaalang-alang na marapat itong nakaangkla sa perspektiba at
pilosopiyang Filipino, at dumaan sa masusing pag-aaral upang makalikha ng
bagong programa. Sa proposal, walang
pagbanggit man lamang sa mga tagumpay ng mga naunang GEP.”
“Sa pagbuo ng bagong programa, pangangailangang humalaw
ng mga aral mula sa pinagmulan nito; ilunan sa historikal na konteksto at hindi
lamang basta-basta ibatay sa programa ng mga kanluraning institusyon,” mungkahi
ni Rodriguez. “Gawing sistematiko ang pagbuo at pagtuturo nito bilang
panimulang batayan ng paglikha ng kaalaman ng mga mag-aaral na papasok sa ating
unibersidad. Ibig sabihin, tingnan ang GEP ng UP bilang tungtungan ng kaalaman
ng mga mag-aaral sa kanilang pagsabak sa ninanais na propesyon at disiplina sa
halip na ituring ang mga ito bilang pampalubag-loob lamang.”
Higit pa sa pagiging pundasyon ng pagsasa-ayos ng GEP
bilang rekisito upang mapaunlad ang akademikong mga programa ng UP para sa
internasyunalisasyon, molde rin itong huhubog sa mga estudyanteng inaasahang
mag-ambag, hindi lang sa pagbubuo ng bayan, kundi sa paglilingkod sa
sambayanan. Sa tinatahak na landas ng UP sa tangka nitong integrasyon o pakikisabay
sa mga karatig-rehiyon, kailangang bantayan kung naisasakripisyo ang kapakanan
ng kalakhan ng mamamayan para sa kapakanan ng iilang may kakayanang magbayad sa
edukasyong tila nagiging kalakal, sa halip na karapatan.
*itinama ko ito sa email sa mga kinauukulan at maging sa blueprint pero sa kasamaang palad, nalampasan ng publikasyon
No comments:
Post a Comment