Hapung-hapo pa rin ako matapos tumakbo, tumakbo, tumakbo nang malayo palayo, palayo sa naniningil na drayber na masugid pa sa desperadong manliligaw, nakakura at sinisingil ako ng utang na singkwenta pesos na hindi ko naman napakinabangan kahit singko sentimos dahil, ganito ang nangyari: ang dyipni ni manong na nasa New Dorm, kung saan ako dating nanirahan, kung saan kagagaling ko lang at nalamang silid-aralan na ang dating mga silid-tulugan, at doon ko nakita si Regine na kasama ko sa isang grupo ng mga komikero at si Regine na mabuting kaibigang nagbigay sa akin ng dagang stuffed toy noong freshman pa ako, umakyat akong New Dorm dahil napadpad akong muli sa Pamantasang kumupkop sa akin sa loob ng anim na taon, at gusto kong malaman kung ano nang nangyari, umakyat ako sa New Dorm ngunit ilang saglet lang, may klase na si Regine na nalito kung siya ba ang tinawag kong Regine o yung isang Regine, lumabas ako sa Dormitoryong naging pang-akademiko na palang gusali, naghintay sa may kubo kung asan may mga estudyanteng nagtanong kung ano ako, at sinabi kong dati akong taga-New Dorm at tinanong ko na rin kung mga kasalukuyang mga residente lang ba ang pwede roon kapag open house, sinabi nilang hindi, welcome daw ako doon, etc etc, ano daw trabaho ko, sinagot ko naman, tinanong nila kung kami ba ang gumagawa ng mga ganito, ganyan, sinagot ko sila, tinanong nila kung rocker ako, tinanong ko sila, ano ba paano ba masasabi pag rocker, hindi sila nakasagot, nagpalawig ako, hindi ko naiintindihan ang tanong pero music enthusiast ako, malawak ang saklaw ng soundtrip ko, yung playlist ko nga bago matapos ang 2012, handpicked na mga album na mula sa iba't ibang genre* kaya hindi ko alam kung rocker ba ako o mahilig lang sa musika sa lahat ng hugis at laki, wika ko, at biglang dumating ang maraming estudyante, tila may ritwal silang hindi ko alam, humarap ang isang bulto sa isa pang bulto, at may chant chant na hindi ko maintindihan, at dahil hindi ko maintindihan, lumabas na lang ako sa kubo, tsinek ang bag ko para sa kwaderno at lapis, wala doon, naiwan ko ata noong tumambay ako kanina sa opisina ng pahayagan ng mga estudyante, kaya inisip ko kung bababa ba ako o hihintayin na lang matapos ang klase ni Regine na hindi tiyak kung siya ba o yung isang Regine ang hinihintay ko, pero ang tiyak, pareho ko silang matagal nang hindi nakikita, nagpasya akong antayin na lang, dahil bulubundukin ang New Dorm, malayo sa sibilisasyon talaga, tumambay muna ako sa dyipni tas umandar yung dyipning akala ko e paparada lang tas bumulusok ito pababa, sigaw ko para, dumaan sa kung anu-anong building, sigaw ko para, dumaan sa kung anu-anong bahay, tas nakailang sigaw pa ako nang para hanggang tumigil matapos kung saan saan magsusuot na lusutan, tas pagbaba ko, sumabit ang bag ko, paakyat na sana ako pabalik sa New Dorm, kaso kailangan ko tumakbo at sabayan yung bilis ng dyipni dahil kung hindi, makakaladkad ako nito, pag binitiwan ko naman yung bag ko, mamumulubi ako at magiging kawawa sa mahabang panahon, kaya tumakbo ako, kaalinsabay ng dyipni, tumakbo ako at nagsisigaw hanggang tumigil ang dyipni, nagsisigaw rin ang tsuper, ansimple simple daw bumaba at magkandado hindi ko raw magawa, korap daw ako, na hindi ko maintindihan ang pinagmulan, baka akala niya, nananadya ako para makadilihensya ng pampaospital kasi uso yatang modus iyon, pero hindi naman ako gago para isakripisyo ang katawan para sa iilang baryang gagastusin sa sinakripisyong katawan, binaba ako nung drayber, korap daw ako magbayad daw akong singkwenta pesos, binulyawan ako nung drayber at walang tigil ako sa pagpapaliwanag na malay ko bang bababa na yung dyipni niya (na sa panahong ito, may sarili atang drayber kasi wala na, humarurot na, labo), tas magbayad daw ako kahit singkwenta pesos, tas sabi ko, aakyat akong New Dorm ulit dahil hindi naman talaga ako bababa, malay ko bang bababa na yung dyipni niya, higit limang beses na akong pumara, hindi ninyo narinig, tas magbayad daw ako kahit singkwenta pesos, sabi ng maputlang drayber na nakakura, magbayad daw ako, singkwenta pesos daw, ganito ang eksena hanggang sumuot ako sa mga lusutan, at siyang humahabol sa akin, kahit naglalakad lamang siya inaabutan niya ako, ganito ang eksena, hapung-hapo ako, walang paglagyan ng hingal, natatanaw ko na ang New Dorm kung nasaan si Regine hanggang, nakakainis, oo, nakakainis, magising ako mula sa isang masamang bangungot kung saan nabitbit ko ang hilakbot, ang hapo at ang hingal hanggang sa pagkamulat sa katotohanang pinapasok maging ang panaginip ng krisis sa langis at badtrip sa road rage.
***
[screencap mula sa "Man Overboard" music vid ng Puscifer]
*Ibabahagi ko na rin ang soundtrip kong masarap kagabi, ha, baka gawin ko nang soundtrack ito ng buong 2012 sa maraming pagkakataon - Conditions of My Parole Puscifer - Opus Eponymus Ghost - Unearthing Alan Moore - Animals as Leaders Animals as Leaders - 7th Symphony Apocalyptica - Heligoland Massive Attack - Early Plague Years Thinking Plague - Heritage Opeth - Catch 33 Meshuggah - Disco Volante Mr. Bungle - Amputechture The Mars Volta - Machine Dreams Little Dragon - Album of the Year Faith No More - Let England Shake PJ Harvey - Trout Mask Replica Captain Beefheart - Sorry, hindi ko mahanap ang mga lokal musik shit na luma, malamang, wala na akong balita sa bago, sa top ng aking head, The Late Isabel, Brain Salad, Fuseboxx, Skychurch, Kadangyan, Pinikpikan, Kapatid, Greyhoundz, Queso, The Wuds. At, sumakto ata sa "Last Living Rose" ni PJ Harvey ang pagpatak ng alas doseng hatinggabi ng 2012. Hayun. Ayus.
No comments:
Post a Comment