Wednesday, January 11, 2012

Pag-iiba-iba sa Salitang Pag-ibig (Margaret Atwood)

Burador, slashwrist. Kinda hard ito at yung esensya at tono na lang ang kinuha ko. Well, ganun naman ata talaga sa lahat. Yung "this word is not enought but it will have to do," nagpasya na lang akong gawing "hindi sapat ang salitang ito, ngunit mainam na ring katumbas," tas syempre lohikal lang namang baguhin yung love bilang four-letter word at pag-ibig bilang seven-letter word, at iba pang shit, daming shit, kainis.

Pumapag-ibig na rin lang, share ko na rin ang naispatang status update ni Prof. Gerry Lanuza: "Tanong ng aking estudyante: Kailan daw magkakaroon ng tunay at dalisay na pagmamahalan? Kapag nabuwag na ang sistemang nagtuturo sa atin na ang lahat ay may kapalit. Kapag nawala na ang presyong nakatatak sa ating mga kaluluwa. Kapag nagmahal na tayo hindi dahil sa pang ekonomiyang dahilan. Kapag nagmahal na tayo lagpas sa kagandahan, yaman, ugali o ano pa man. Hanggat hindi pa nabubuwag ang sistema ng pagmamay-ari patuloy pa rin akong magpupumilit na magmamahal ng walang presyo at kapalit! Habang dinudurog ang sistema ng palitan at presyuhan."

Tas dagdag ko na rin ang link sa Pag-ibig 101 (PDI) ni Anca Paje.

Pag-iiba-iba sa Salitang Pag-ibig
ni Margaret Atwood, salin ni Acuña

Isa itong salitang ginagamit natin upang pasakan
ang mga butas. Sakto ang sukat nito sa marubdob
na mga pagkukulang sa pananalita, para sa kanilang pulang hugis-
pusong mga bakante sa pahinang hindi kawangis
ng tunay na mga kasingkasing. Dagdagan ng binurdahang tela
at maibebenta mo
ito. Isingit din natin ito sa isang hungkag
na siwang sa nakaimprentang sulating
walang anumang panuto. May buong
mga babasahing walang gaanong laman
kundi ang salitang pag-ibig, maari mo
itong ipanghilod sa kabuuan ng iyong katawan at maari
mo rin itong lutuin. Paano namin malalamang
hindi ito ang nangyayari sa mga malalamig
na pagpapasasa ng mga linta sa ilalim ng mamasamasang
mga piraso ng karton? Maging ang mga binhi
ng damong pinangsusundot ang kanilang mga nguso
sa mga letsugas, ay ito ang hinihinyaw.
Pag-ibig! Pag-ibig! halinghing ng mga sundalo, tinataas
ang kumukutitap nilang mga kutsilyo sa pag-saludo.

At naririyan tayong
dalawa. Ang salitang ito
ay masyadong maikli para sa atin, mayroon lamang itong
pitong titik, masyadong malaki ang mga pagitan
upang punuan yaong malalim at hayag
na mga kahungkagan sa gitna ng mga bituing
sa atin ipinapasan ang kanilang mga taingang kawali.
Hindi pag-ibig ang hindi natin nais
kabagsakan, ngunit ang pangambang iyon.
Hindi sapat ang salitang ito, ngunit mainam
na ring katumbas. Tatlo ang mga
patinig nito dito sa tila bakal
na katahimikan, isang bibig na nagsasabing
O muli at muli sa hiwaga
at hapdi, isang hininga, isang daliring
nakasabit sa bingit. Maari kang
kumapit o bumitiw.


Yak tong post na to. Sarap sukahan.

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]