Burador, as usual. Muli, natetempt na ko magdasal, god. Pa-rant--badtrip tong "what we are and are" na sinalin bilang "kung ano tayo at ang ating pag-iral," iniisip ko tuloy, ano kayang salin ng "I think, therefore I am," ubra ba'ng "Nag-iisip ako, kaya ako umiiral"?
Tulad ng isang nakikinig sa ulan
ni Octavio Paz, salin ni Tilde Acuña
Pakinggan mo ako tulad ng isang nakikinig sa ulan,
hindi nakatuon ang pansin, hindi nalilito,
marahang mga hakbang, mahinhing ambon,
yaong tubig na hangin, yaong hangin na oras,
lilisan pa rin ang araw,
parating pa lamang ang gabi,
mga balangkas ng hamog
sa pagpihit ng sulok,
mga balangkas ng oras
sa hilis ng paghimpil na ito,
pakinggan mo ako tulad ng isang nakikinig sa ulan,
nang hindi nakikinig, dinggin mo ang sasabihin ko
nang may mulat na mga mata ng isip, nakaidlip
nang malay ang lahat ng limang pandama,
umuulan, marahang mga hakbang, ungol ng mga usal,
hangin at tubig, mga salitang walang bigat:
kung ano tayo at ang ating pag-iral,
ang mga araw at mga taon, ang sandaling ito,
panahong walang timbang, masidhing hinagpis,
pakinggan mo ako tulad ng isang nakikinig sa ulan,
kumikinang ang basang aspalto,
tumataas ang usok at lumalakad palayo,
nagpapamalas ang gabi at tumititig sa akin,
ikaw ay ikaw at ang katawan mo ng usok,
ikaw at ang wangis mo ng dilim,
ikaw at ang buhok mo, ang di-nagmamadaling kidlat,
tumatawid ka sa lansangan at lumalagos sa aking noo,
mga hakbang ng tubig na bumabagtas sa aking mga mata,
pakinggan mo ako tulad ng isang nakikinig sa ulan,
kumikinang ang basang aspalto, tumatawid ka sa lansangan,
ito ang hamog, naglalagalag sa gabi,
ito ang gabi, natutulog sa iyong banig,
ito ang atikabo ng alon sa iyong hininga,
pinahihinay ang noo ko ng mga daliri mong taglay ng tubig,
tinutupok ang mga mata ko ng mga daliri mong taglay ng apoy,
minumulat ang mga talukap ng panahon ng mga daliri mong taglay ng hangin,
isang tagsibol ng mga pangitain at mga muling pagkabuhay,
pakinggan mo ako tulad ng isang nakikinig sa ulan,
lumilipas ang mga taon, bumabalik ang mga saglit,
naririnig mo ba ang mga yabag sa kabilang silid?
hindi rito, hindi roon: naririnig mo sila
sa ibang panahon na yun pala ay ngayon,
pakinggan mo ang yabag ng panahon,
manlilikha ng mga pook na walang bigat, wala kahit saan,
pakinggan mo ang bagyong kumakaripas sa bangkal,
mas gabi ngayon ang gabi sa kagubatan,
humimlay na ang kidlat sa kama ng kayakas,
isang tigalgal na bakuran ang inaanod paloob,
sumasaklob ang anino mo sa pahinang ito.
No comments:
Post a Comment