Burador, as usual.
Pakikitungo sa Isang Binibini
ni Vladimir Mayakovsky, salin ni Tilde Acuña
Ang gabing iyon ang magpapasya
kung siya ba at ako
ay magiging magkasintahan.
Sa ilalim ng tabing
ng kadiliman
walang makatutunghay, matutunghayan mo.
Yumukod ako sa kanya, iyon ang totoo,
at iyon ang ginawa ko,
iyon ang totoo, sumpa man,
sinambit kong
tulad ng butihing magulang:
"Ang Pagnanasa ay bangin –
kaya maari bang makiusap
na lumayas ka?
Lumayas ka,
kung maari!"
Sa Madla at Lahat
ni Vladimir Mayakovsky, salin ni Tilde Acuña
Hindi.
Hindi maaari.
Hindi!
Ikaw rin, mahal?
Bakit? Para saan?
Sinta, ganito -
bumalik ako,
bitbit ko ang mga bulaklak,
ngunit, ngunit... hindi ako kailanman
nang-umit ng kutsarang pilak sa iyong tokador!
Abuhin ang mukha nang
ako'y pabulusok na sumuray-suray sa limang hagdan-hagdang palapag.
Umalimpuyo palibot sa akin ang lansangan. Mga bulyaw. Mga busina.
Umirit ang goma.
Sumisilakbo.
Nadali ng kamandag ng bugso ang aking pisngi.
Hayok na kinasta ng mga trompa ang isa't isa.
Sa kahibangan ng kapital,
tinaaas ko ang aking mukha,
singlupit ng mga mukha ng mga antigong rebulto.
Pinunit ng pighati,
nakapatong sa iyong katawang tila nakahimlay sa huling
mga sandali, ang mga araw nitong
nagpatigil sa tibok ng aking puso.
Hindi mo binahiran ang mga kamay mo ng marahas na pagpatay.
Sa halip,
maligalig mong sinabing:
"Siya ay nasa papag.
May prutas at alak
Sa palad ng biyas."
Mahal!
Umiiral ka lamang sa naaantig kong isip.
Tama na!
Tigilan na ang nakakalokong katatawanan
at bigyan mong pansin:
Pinupunit ko
ang aking munting baluti,
ako,
ang pinakadakilang Don Quixote.
Naalala mo?
Nang pasanin ang krus,
huminto si Kristo sa ilang saglit,
pagal.
Habang pinagmamasdan siya, ang madla
ay nambulyaw, nanlibak:
"Bilis-bilisan mo, tanga!"
Tama!
Maging tampalasan.
Duraan mo siyang nagsusumamo para sa pahinga
sa araw ng kanyang mga araw,
salakayin siya at isumpa.
Sa sandatahan ng mga panatiko, yaong mga pinarusahang gumawa ng mabuti,
ang tao ay hindi nagpapamalas ng awa.
Sobra na!
Nangangako ako sa pagano kong kapangyarihan -
bigyan mo ako'ng babae,
dalaga,
maganda sa paningin,
at hindi ko sasayangin ang nadarama sa kanya.
Siya'y aking lalapastangainin
at puso niya'y sisibatin ng pambubuska
nang nagpapaunlak.
Mata para sa mata!
Sanlibong ulit sa pag-ani ng paghihiganti ng mga tanim
na hindi titigil!
Patigalgalin sa takot, patulugin sa suntok,
umalulong sa bawat tainga:
"Isang salarin ang daigdig, pakinggan,
ang kanyang bumbunang bahagyang nilabaha ng araw!"
Mata para sa mata!
Lulundag ka mula sa papag bago maghatinggabi.
"Moo," ang angil ko.
Sa aking leeg,
isang kirot na sinaklayan ng lupit,
buhawi ng mga niknik
na nagbabadya.
Ako ay puting tamaraw na bumabangon mula sa lupa.
Ako ay magiging pilandok,
mga sanga-sanga kong sungay na sumalabit sa mga alambre,
mga mata kong pula sa dugo.
Sa ibabaw ng daigdig,
isang halimaw na naghihintay,
walang pagod akong titindig.
Hind makakatakas ang tao,
salaula at mapagkumbaba,
bumubulong ng panalangin,
nakahimlay sa malamig na batuhan.
Ang gagawin ko lang ay magpinta
sa tarangkahan ng mga palasyo,
sa ibabaw ng sa Diyos
ang mukha ni Razin.
Maging tigang, mga ilog, pigilan n'yo siya sa pagpawi
ng kanyang uhaw! Alipustahin n'yo siya,
Huwag sayangin ang iyong mga silahis, araw! Galit kang tumitig!
Hayaan mong isilang ang libu-libo kong alagad
sa mga kinamumunghiang trumpeta sa mga kwadrado!
At kung sa wakas may dumating,
nang tumatapak sa rurok ng mga panahon,
nanginginig,
ang huli nilang mga araw,
sa mga itim na budhi ng mga anarkista at mga berdugo
ako, isang pangitaing duguan, ay magniningas.
Nagbubukangliwayway na,
ang bunganga ng langit ay bumubuka nang bumubuka,
iniinom nito ang gabi
unti-unting sinisipsip, uhaw na uhaw.
Nagpapakawala ng liwanag ang mga bintana.
Sa mga salamin nito tumitigis ang init.
Ang araw, malapot, lumulusong sa siyudad na natutulog.
O kapitapitagang paghihiganti!
Muli mo akong gabayan
sa ibabaw ng kawalan ng alikabok
at sa pag-akyat sa hagdan ng mga makata kong kataga.
Itong aking puso,
puno hanggang sa bibig,
sa pangungumpisal,
ako'y nag-uumapaw.
Mga mamamayan ng kinabukasan!
Sino kayo?
Kailangan kong malaman. Pakiusap!
Naririto ako,
puno ng lapnos at hilab,
tinupok ng hapdi,
Sa iyo aking dakilang kaluluwa aking ipamamana
ang bukirin.
No comments:
Post a Comment