Friday, December 23, 2011

Dalawang Salin ng Borges

Kasaysayan ng Kadiliman
ni Borges [text], salin ni Acuña

Sa pagsasalin ng mga lahi,
nilikha ng tao ang kadiliman.
Sa simula, siya ang katarata;
tinik na kumakahig sa mga paa,
pangamba sa mga aswang.
Hindi natin mababatid kung sinong nagpanday ng kataga
para sa puwang ng aninong
humahawi sa dalawang takipsilim;
hindi natin malalaman kung kailan nito kakatawanin
ang mga gabing maningning.
May ibang lumikha ng mga alamat.
Bininyagan siyang ina ng mga Kapalarang hindi natitinag
na siyang nagtatakda ng ating tadhana,
sinakripisyo nila ang mga kambing sa kanya, at ang tandang
na pinagyayabang ang sarili niyang pagpanaw.
Inilaan sa kanya ng Kaharian ang labindalawang santuaryo,
sa Pilosopo, ang mga salitang walang hanggan.
Hinubog siya mula sa mga sinaunang taludturan
at sa ligalig ng mga matatandang panukat.
Nakita sa kanya ng Akademiko ang lupang tinubuan
ng kanyang kaluluwang sugatan.
Inakala nating hindi siya mapapagal
tulad ng alak na matagal nang nakaimbak
at hindi siya matutunghayan nang wala ang bertigo
at pinatawan siya ng panahon ng kawalang-kamatayan.

At ang kaisipang hindi siya iiral
maliban doon sa mga babasaging aparato, ang mga mata.


Panghihinayang sa Anumang Pagkamatay
ni Borges [text], salin ni Acuña

Malaya sa alaala at sa pag-asa,
walang hanggan, walang hugis, parating na kinabukasan,
ang bangkay ay hindi isang bangkay: siya ang kamatayan.
Tulad ng Bathala ng mga mahiwaga,
kung Kanino dapat itanggi ang anumang maaring isiwalat,
siyang walang buhay, dayuhan saan mang dako,
ay pagkagunaw lamang at kawalan ng daigdig.
Sasagarin natin ang pandarambong sa kanya,
iiwan natin siyang hungkag sa tingkad o pantig:
Dito, sa patyong hindi na niya nakikita,
doon, sa bangketa kung saan umaasa ang kanyang pag-asa.
Kahit ang ating binabalak,
maaring binabalak niya rin;

Pinaghatian na nating parang mga kawatan
ang mga kinulimbat ng karimlan at ng liwanag.

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]