Saturday, December 17, 2011

Mga Piraso (Salin - Rimbaud)

Litanya muna bago ang mala-salin (Sakto, tunog 'malas,' saktong-sakto sa kalagayan ko ngayon, olats). Mala-salin kasi hindi ito naging matapat sa orihinal na hindi naman ang talagang orihinal dahil hindi iyong pinaka-ugat na teksto ang aking sinalin—o ini-adapt. Magaspang na burador ng mala-salin ito ng natagpuang [salin] ni Wallace Fowlie ng "Phrases" ng makatang pranses na si Arthur Rimbaud.

Mga Parirala Mga Piraso
salin ni Acuña ng salin ni Fowlie ng tula ni Rimbaud

Nang matunaw ang mundo hanggang maging kamagong para sa dalawang pares ng ating mga matang nagulantang—hanggang maging dalampasigan para sa dalawang mapagtalimang yagit—hanggang maging tahanan ng mga awit upang luminaw ang dalumat—ika'y akin nang buong sikap na hahanapin.

Nang mag-isa na lamang ang matandang lalaki sa daigdig, mapanglaw, panatag, habulin, nabubuhay sa labis-labis na luho, ako'y nasa iyo nang paanan.

Nang mapagtanto kong ang lahat ng iyong alaala, —sa panahong ako ang binibining may kakayanang gumagapos sa iyong mga kamay, —ika'y akin nang sisiilin.
__________

Nang napakalakas natin, sino ang umaatras? o nang napakaligaya, sinong nakakalas sa panlilibak? Noong sagad sa buto ang ating kasamaan, ano ang magagawa nila sa atin.

Gumayak, sumayaw, tumawa. Hinding-hindi ko maibabasura ang Pag-ibig.
__________

—aking Kasama, pulubing ineng, kakatwang musmos! Wala kang pakialam sa mga aleng kalunus-lunos, at sa mga pagsasabwatan at sa aking kahihiyan. Samahan mo kami gamit ang tinig mong imposible, O ang iyong boses! ang tanging humuhulma rito sa garapal na kawalang-pag-asa.

* * *

Hulyo, isang makulimlim na umaga. Ang lasa ng abo sa hangin, ang samyo ng pinagpapawisang panggatong sa sigaan, abalang mga bulaklak, ang pagpuksa sa mga landas, ambon sa mga kanal sa kabukiran, bakit hindi na lamang mga laruan at kamanyang?

* * *

Binanat ko ang mga lubid sa mga rurok ng bawat simboryo; ang mga pumpon sa bawat lagusan; ang mga gintong tanikala sa bawat tala, at ako'y sumayaw.

* * *

Patuloy na umaagos ang matayog na lawa. Anong uring manggagaway ang titindig laban sa maputlang takipsilim? Anong lilang mga bulaklak ang raragasa?

* * *

Habang nililimas ang pondo ng bayan at nilulustay sa pagdiriwang ng mga kapatiran, mga hikaw sa alapaap ang isang batingaw ng rosas.

* * *

Sumisidhi ang sarap ng tintang mula Tsina, ang itim na pulburang umaanggi sa aking gabi, —ibinababa ko ang sagitsit ng kandelabra, hinihimlay ang sarili sa kama, at hinaharap ang karimlan, nakikita ko kayo, O aking mga hija, mga paraluman.


Litanya ulit matapos ang mala-salin. Inaalay ko ito sa binibining nagtalumpati noong simula ng araw ng Kampuhan nitong nakaraang linggo, binibining imposibleng matunton ang munting espasyong ito dahil di siya gaanong nag-iinternet at hula ko e nasa komunidad ngayon, binibining huwag na lamang nating pangalanan. Sa ngayon, nahigitan mo sa Camila, sa iyo ko na lamang muna iaalay ang kahit anong gagawin, kaya pauna na akong humihingi ng tawad sa iyo.

At, nagsalin (at magsasalin marahil sa mga susunod na araw) din ako upang mapanatili, kahit papaano, ang katinuan ng isip dahil kakatwa na, bagamat tinuturing kong mababaw at dapat ay walang puwang sa daigdig, ang lumbay na dulot ng pag-iisa, nasa gitna man ng madla o kapiling man ang sarili.

Hindi ko na rin siguro ito ipapaskil bilang link kung saan, dahil nga kinahihiya ko, bagamat naririto sa aking blog, ang katotohanang nakakadama ako nitong matinding pangungulila—lalo ng pakiramdam ng pagiging mahina at ng pagiging walang-kwenta ng mga iniluwal na likha at iba pang kahawig na pakiramdam. Asahang wala gaanong maaasahan sa akin mula ngayon. Indent nga nitong akda, hindi ko maiayos. Buntonghininga na lang.

Taos-pusong pasasalamat sa pagbisita, dahil may tsansang napadaan ka rito sa partikular na post na ito dahil pinili mong dumaan dito. O, basta, kahit papaano, tulad nang madalas ko nang sinasabi, atlis, may ilusyong may nakikinig.

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]