Wednesday, December 28, 2011

Ilang Bagay Ang Aking Lilinawin (Salin - Neruda)

Burador, pauunlarin balang araw, mas adaptasyon kaysa salin, as usual.

Ilang Bagay Ang Aking Lilinawin
ni Neruda [text], salin ni Acuña

Inyong itatanong: at nasaan ang mga waling-waling?
at ang mga metapisikang amapola ang talulot?
at ang ambong itinitilamsik
ang kanyang mga kataga at bumubutas sa kanilang mga tigib
sa mga siwang at mga kalapati?
Ibabahagi ko sa inyo ang lahat ng ulat.

Sa laylayan ng lungsod ako nanirahan,
isang barung-barong sa Maynila, may mga batingaw,
at mga orasan, at mga puno.

Mula doon matatanaw mo
ang tigang na mukha ng Intramuros:
isang dagat ng katad.
Binansagan ang tahanan ko bilang
pamamahay ng mga bulaklak, dahil sa bawat awang
sumasambulat ang poinsettia: Dati itong
isang magandang tahanang
may mga tuta at mga bata.
Naalala mo, Jose?
Eh, Andres? Marcelo, naaalala mo bang
mula sa ilalim ng lupa
ang aking batalan kung saan
nilunod ng liwanag ng Hunyo ang mga bulaklak sa bibig mo?
Kapatid, aking kapatid!
Ang lahat ng
maingay at malakas ang tinig, ang alat ng kalakal,
ang tambak ng sumisikdong pandesal,
ang puwesto ko sa bangketa ng Recto kasama ng rebultong
tulad ng hapung-hapong dildilan ng tinta sa alimpuyo ng palos:
langis na nanalaytay sa mga sagwan,
isang tusong pagsalikop
ng mga paa't mga kamay na kumukubkob sa lansangan,
metro-metro, litro-litro, ang matalim
na panukat ng buhay,
sinalansang mga isda,
ang hilatsa ng bubong sa malamig na araw kung saan
pumapalya ang pulad ng panahon,
ang lantay, di mapakaling garing ng patatas,
alon sa alon ng mga kamatis na dumadagundong sa dagat.

At isang umaga lahat ng nagniningas,
isang umaga ang mga apuyan
ay lumundag palabas sa lupa
at nilantakan ang sangkatauhan --
at magmula noon sa alab,
pulbura magmula noon,
at magmula noon sa dugo.
De-eroplang mga bandido at mga moro,
mga bandido at singsing at mga prinsesa,
mga bandido at mga prayleng itim na nagwiwisik ng pagpapalang
tumatagos sa alapaap upang paslangin ang mga yagit
at ang dugo ng mga yagit ay dumadaloy sa lansangan
nang walang angal, tulad ng dugo ng mga yagit.

Ang mga asong ulol na kamumuhian ng mga asong ulol,
mga hiyas na titikman at isusuka ng mga tigang na dilang-baka,
mga ulupong na kasusuklaman ng mga ulupong!

Harap-harapang kasama ka, natunghayan ko ang dugo
ng Pilipinas na bumabangong tila along
lulunod sa iyo sa isang daluyong
ng kahambugan at mga balisong.

Mapagkanulong
mga heneral:
tignan ang giniba kong tahanan,
pagmasdan ang abang Pilipinas
mula sa mga bahay dumadaloy ang nagniningas na bakal
imbis na mga bulaklak,
mula sa bawat sisidlan ng Pilipinas
sumusulpot ang Pilipinas
at sa bawat bangkay ng musmos ay bayonetang may mga mata,
at sa bawat krimen isinisilang ang mga bala,
na siyang makatatagpo balang araw
sa pinupuntirya ng inyong mga puso.

At inyong itatanong: bakit ang kanyang panulaa'y hindi
naglulunggati ng mga pangarap at mga halaman
at mga dakilang bulkan ng lupa niyang tinubuan?

Lumapit at pagmasdan ang dugo sa lansangan.
Lumapit at pagmasdan
Ang dugo sa lansangan.
Lumapit at pagmasdan ang dugo
Sa lansangan!

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]