Burador, as usual.
Awit
ni Blake [text], salin ni Acuña
Ang mga sutla ko't magandang suot,
Ang mga ngiti ko't ereng matamlay,
Ay tinulak palayo ng pag-ibig;
At mapanglaw na sumandig ang Kawalang-Pagasang
Nagdala sa akin ng daong dekorasyon sa puntod;
Yaong hantungan ng wagas na nag-ibigan.
Singrikit ng langit ang mukha niya
Tuwing sumisibol ang mga buko ng bulaklak;
O bakit hindi sa kanya hinandog
Siyang may pusong sinlamig ng yelo?
Ang dibdib niya'y sambahang musuleyo ng pag-ibig,
Kung saan napapadpad ang mga manlalakbay.
Dalhan mo ako ng isang palakol at pala,
Dalhan mo ako ng pambalot ng patay;
Kapag handa na ang aking puntod,
Hayaang humagupit ang bugso at bagyo:
Hihimlay akong sinlamig ng putik.
Lumilipas ang wagas na pag-ibig.
Puno ng Lason
ni Blake [text], salin ni Acuña
Galit ako sa aking kaibigan:
Ipinabatid ko ang poot ko, poot ko'y naglaho.
Galit ako sa aking katunggali:
Hindi ko ipinabatid, poot ko'y yumabong.
At diniligan ko ito ng hilakbot,
At ng pagtangis sa gabi at umaga;
At ibinilad ko ito sa ngiti,
At sa banayad at talipandas na gayuma.
At araw-gabi itong lumago,
Hanggang magbunga ng manggang hinog.
Nakita ng aking katunggali ang kinang nito,
At napagtanto niyang ito'y sa akin.
At nandambong sa aking hardin
Nang ikubli ng gabi ang tukod;
Kinaumagahan nagalak akong makita
Ang katunggaling nakahandusay sa lilim ng puno.
No comments:
Post a Comment