***
Panahon ng Tag-ani
aking malayang salin ng tula ni Servando Magbanua
Sa lilim ng makulimlim na langit ng Agosto
naghahanda ang mga magsasaka at pulang mandirigmang
matapang na naghuhuntahan hinggil sa kinabukasan
habang nasa gitna ng halakhakan ng mga bata
ang mga umaawit na dalagang hinahagupit ng hangin
habang nagkalat sila sa gintong bukirin ng kaingin
inaani nila ang bunga
ng paggawa ngayong taon--
militante at handa ang lahat sa puntong
ganito kaaga ang panahon ng mga bayonetang
tangan ng mga kalalakihang hangal na darating
tulad ng sakuna at ng salot.
***
Mamamatay-tao at Taong-mamamatay
malayang salin ng sipi mula sa Istatik (White Noise) ni Don Delillo
Naniniwala ako, Jack, dalawa ang uri ng tao sa mundo. Mamamatay-tao at taong-mamamatay. Taong-mamamatay ang karamihan sa atin. Wala sa atin ang disposisyon, ang init ng ulo o anumang kinakailangan para maging mamamatay-tao. Hinahayaan lang nating mangyari ang kamatayan. Humihiga lang tayo at namamatay. Pero isipin mo kung paano kaya maging mamamatay-tao. Isipin mo kung gaanong nakakapanabik, sa teorya, na pumatay ng isang tao sa direktang kumprontasyon. Kung mamamatay siya, ikaw, hindi. Katumbas ng pagpatay sa kanya ang pagtubo ng pautang mo sa buhay. Mas marami kang taong mapapatay, mas tutubo ang maiipon mong pautang. Ipinapaliwanag nito ang anumang bilang ng pamumuksa, pandirigma at pambibitay.
***
Pinakatagos sa Lahat
Mas tagos ang mahal kita,
kaysa i love you? Tingin ko,
hindi naman. Mas tagos ang
regla kaysa menstruation.
No comments:
Post a Comment