May Bagyo, Walang Pasok
Signal number ano ba ang
sampunlibong estudyante?
Wala akong instrumentong
panukat nito, subalit
klarong kahit walang sikat
ng araw: ang sampunlibong
estudyanteng sumuspinde
sa klase ay hindi anggi,
hindi ambon kundi unos
ang mamamayang nag-aral
ng lipunan sa lansangan,
kung saan bumabagyo ng
protesta, kung saan hindi
kailangang sabihing walang
pasok upang lumiban sa
opisina man o 'skwela,
kung sa'n nagbabantang muli--
hindi si Ondoy kundi--ang
mga sinalanta nitong
walang masilungan, walang
makain, walang anuman
dahil sa pagkakait ng
naghahari, at kung saan
mapatutunayang muli:
Walang pasok t'wing may Sigwa.
~arbeen acuna, na iba pa kay tildeng dibuhistang lumpen, somewhere
sa metro manila ika-27 setyembre habang nangwawasak si pedring.
btw, kuhang-larawan ko yan^ noong ika-23 setyembre sa mendiola
at hunghang ang nagsabing 1k tao lang ang nagrehistro ng protesta.
No comments:
Post a Comment