Friday, January 9, 2015

Pagtalak at Pagpapatahimik: Kuro-kuro sa "Komedya" at sa Charlie Hebdo

(May disclaimer ako sa ibaba. Nasa ibaba dahil ayokong nasa itaas dahil baka makaantala sa mambabasa. Burador ito.)

Tunay ngang sandata ng walang kapangyarihan ang satire, pero nagagamit ito minsan ng mga makapangyarihan para lalong gipitin ang mga api [1]. Bilang dibuhista, muntik na rin akong mahulog sa bitag ng mabilis na pag-husga sa karahasan pero may nabasang nakapagpakunot-noo [2]. Mali ang pumatay. Dapat ipaglaban ang karapatan ng LAHAT sa pamamahayag. Walang debate rito. Kaso, sa aktwal, ang pagpatay sa mga gitnang-uring dibuhista at ang pagkundena rito ang tanging nabibigyan ng espasyo. Pinalalampas ang pagpatay sa mabababang-uring walang trabaho--sibilyan man o ang mga walang ibang pagpipilian kundi ang mag-armas tulad ng mga Muslim sa Pransya. Pero iba at mahaba pa itong usapin.

Ang punto: kalayaan sa pamamayahag ang anumang kritisismo tulad nitong aking isinulat at ng ginawa ng Charlie Hebdo [3]. Bukod sa bakit sila pinaslang, sino nga ba ang pumaslang sa kanila? Sino ang makikinabang? Ang aping mamamayang Muslim ba talaga? Mukhang hindi, lalo at hindi rin nila ito ginusto [4].

ni josel nicolas


Habang naghuhuntahan tayo ngayon, binigyan-, binibigyan- at bibigyang-katwiran ng goberynong Pranses at mga kasapakat nitong imperyalistang bansa [5] ang agresyon [6] kontra sa mga Muslim na pinagkakaitan nila ng karapatang pantao. Marami nang nakasipat sa ganitong pangyayari kahit kahapon pa: na ang kamatayan ng ilang mamamahayag ay gagamitin para bigyang-katwiran ang mas maraming pagpaslang. At magiging cheerleaders ang buong cyberspace kapag nalimita sa pakikisimpatya lang sa mga dibuhista, at nakaligtaan ang kontekstong kinaiiralan nila--isang kalagayang may tunggaliang hindi lang sa mga lahi o sa kasarian, kundi sa uri [7].

At hindi limitado ang tunggalian sa bansang Pransya, at nakita naman nating umapaw na ito sa ikatlo nating daigdig. Sa mention ng ikatlong daigdig, laging may gumuguhit na amoy ng pulbura ng unang daigdig. Tulad ng Al Qaeda (at ISIS na may links sa CIA), hindi siguro kalabisang sabihing Frankenstein's monster din ang pandarahas sa Charlie Hebdo ng imperyalismo lalo at naiuugnay sa NATO ang mga nahuling salarin [8] at kakatwa nga namang sa tindi ng surveillance ng first world, ni hindi nila namalayan at narespondehan kaagad ang iilang armadong lalaking manloloob at mangmamasaker sa Charlie Hebdo [9].

Sa dami ng datos na kailangan iproseso, isang totohanang entablado itong insidente. Basag na basag ang fourth wall. Kani-kaniyang interes. Masyadong maraming nangyayari pero gusto ko lang bigyang-diin ang pagkukubli nitong telon ng "free speech" sa ilang susing isyu na buhay at kamatayan ang nakataya—tulad ng isyu ng diskriminasyon na sa katunaya’y nakabuhol tulad ng maraming bagay sa usapin ng uri (na aking pinahapyawan sa unang talata. Pero mukhang wala akong kakayanang talakayin ito nang malaliman ngayon).

May pagka-tuso talaga ang komedya. May Bakhtiniang halakhak sana--yung pangungutya ng api sa pamamagitan ng pagtawa sa mga nang-aapi--pero ninanakaw pa ito sa api. Binibingi tayo ng mga halakhak para hindi marinig ang mga bala. Binibulag tayo ng mga dibuho at magigising na lang kapag napunit sa harap natin ang dibuho at kung sino ang una nating nakita, at kung ano ang suot nila, i-a-associate na natin ito sa stereotype. Paano kung yung balbasaradong Muslim ay nasa payroll pala ng puting kristiyanong nag-de-decry ng "terorismo!"? Ang hiling lang naman ay mas malalim na pagsusuri. Marami namang maaring pagkaisahan. Isa na sana ay kung ano o sino ba talaga ang tunay na kalaban, at huwag sanang matapos sa pagkundena sa abstraktong ideya ng karahasan dahil may mga konkretong institusyong nagpapatupad nito.

Bumalik tayo saglit sa Pilipinas: Nasaksihan natin ang kapangyarihan ng "komedya" sa panayam kay Noynoy Aquino sa Gandang Gabi Vice--maaring nakakatawa ito para sa karamihan pero hindi nakatutuwa dahil kinasangkapan ang programa para pagmukhaing tao ang presidenteng mula sa angkang marami nang atraso sa sambayanan. Si Vice Ganda ang mukha ng pasismo [10]. Iniwasan ang mga kritikal na usaping panlipunan at binigyang-pansin lang ang pagiging binata, at iba pang personal na suliranin. Isang taktikang pulitikal.

Ngayon, bago tayo tumungo uli sa Pransya, isa pang pasakalye: Carlos Celdran. Hindi siya nakakatawa, pero tulad ng mga dibuhista ng Charlie Hebdo, nambabastos si Celdran sa ngalan ng kalayaan sa pamamahayag. Ang matingkad na pagkakaiba, si Celdran, wala lang, epal lang, pa-cool lang at pa-rad, samantalang tulad ng nababasa na natin (sana may iba pa tayong nababasa maliban sa romantisadong pagdakila sa sibilisadong satire na hindi gets ng mga tinataya nating savages at barbarong karahasan), propagator ng white supremacist agenda ang Charlie Hebdo [11]. Probokador ang Charlie Hebdo, papansin lang si Celdrang nagmamakaawa ngayon sa Pope at humihingi ng tawad na parang beybi, dapat siyang mag-diaper tulad ng mga bantay ng Pope.

Kumabig ulit tayo pabalik. Sa mga dibuhistang Pranses ulit tayo at sa iba pa, pasintabi sa saglit na paglihis. Hindi na ako maglalatag ng mga pahayag at masyado nang humaba ang talak ko, mga tanong na lang ang gusto kong pantapos: Kung pinatay si Vice Ganda, ok lang ba yun? E kung si Carlos Celdran, ginulpi ng mga katoliko? E kung Ku Klux Clan, kinuyog ng mga negro? E kung si Hitler na frustrated artist, tinorture ng mga hudyo? E kung ang Charlie Hebdo e minasaker ng mga tinatayang muslim? Dapat bang magbago ang pagkundena, depende sa trabaho ng mga biktima? E kung wala silang trabaho? E kung pinagkaitan sila ng lahat? Walang dapat mamatay para sa mga dibuho [12], at walang dapat mamatay sa anumang panunupil.

Disclaimer: Spontanyo ito. Kaya tag-lish. Nag-a-alangan akong magsulat. At ayoko rin mag-update ng blog. Pero eto na. Baka lang kailangan. Matagal akong nanahimik sa social media pero nagkaron ng urge na magbahagi dahil sa mga kaibigang dibuhista. Salamat sa pagbabasa. Rerepasuhin pa ito kung may pagkakataon. Ilang tala:

[1] Nakuha sa post ni Vicente Rafael: "Journalist Molly Ivins once said, 'Satire is traditionally the weapon of the powerless against the powerful. I only aim at the powerful. When satire is aimed at the powerless, it is not only cruel -- it's vulgar.'"
[2] Status message ni Thomas van Beersum: "French army soldiers receive medals because of their involvement in the occupation and destruction of entire states... a few extremist muslims kill several for creating racist WAR PROPAGANDA and they receive a national manhunt. / If the imperialist French state had even the slightest respect towards human life they would point the guns towards themselves. There is a reason why a few deaths reach international headlines whereas massacres of entire villages are ignored completely. This selective indignation promoted by the mass media is psychological warfare aimed to frame and criminalize further the entire Muslim world. Don't be fooled."
[3] Tignan ang [link].
[4] Tignan ang [link].
[5] Ayan na, magkatropa ang Saudi at Amerika, so hindi imposibleng pagsabungin nila ang mundo para pagkakitaan ang digmaan: Tignan ang [link]. Naalala ko si Uco sa The Raid 2.
[6] May binomba nang mosque: Tignan ang [link].
[7] Tignan ang [link].
[8] Tignan ang [link].
[9] Tignan ang [link].
[10] Nakuha sa status message ni Carlo Cielo.
[11] Napagtanto sa pakikipag-usap kay Janine Dimaranan.
[12] Napulot sa kalakip na komix ni Josel Nicolas.

No comments:

Post a Comment

Some other streets within the City as of 11.11.11.11.11

bi cycle : [i] [ii] [iii] buwan ng wika prompts : [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [x] [029] [030] [031] carcosite news net : [x] [x] [x] [x] [x] nausea : [001] [002] pandora's boxes : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii] [ix] [x] [xi] qbccc : [x] [x] [x] [x] [x] [x] [x] reverence : [i] [ii] [001] [002] [003] [004] [005] [006] [007] [008] [009] [010] [011] [012] [013] [014] [015] [016] [017] [018] [019] [020] [021] [022] [023] [024] [025] [026] [027] [028] [029] [030] [031] << samhain countdown | shards : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] spectacles : [i] [ii] [iii] [iv] [v] [vi] [vii] [viii]