Mas konserbatibo ang hamon sa sarili sa Buwan ng Wika ng taong ito, kumpara sa aking [pagtatangka noong una pang panahon]. Pagsasalin muna ang nais kong tuunan ng pansin, at sa tantsa, hindi ko kakayanin itong araw-arawin. [Noon], nahuli na akong nagsimula pero nagawa pang makahabol at dumoble triple mag-maraming piyesa sa isang araw, pero hindi na ito posible ngayon Lingguhan na lang siguro? Hindi. Minimum ng tatlo kada lingo. Tignan natin kung kakayanin. Dadayain ko rin ito. Baka mag-re-post ako ng mga artikulong nalathala sa UP Forum, dahil mukhang pahinga na muna ako sa pagsusulat sa publikasyon. Nagkataong ang huli kong artikulo, na malathala sana nang buo, ay tungkol sa globalisasyon edukasyon wika, ganyan. Tama na ang satsat, ito na ang una.
***
Pulitika at Panahon (mula sa “Sa Dibdib ng Dibdib ng Bayan”)
malayang salin ni Tilde ng piling sipi sa kwento ni William Gass
Para sa mga hindi umiibig may batas: ang maghari ... ang mag-areglo ... ang mag-wasto. Hindi ako makasusulat ng panulaan ng ganoong mga panukala, ang panulaan ng pulitika, pero minsan—madalas—ngayon parati—naroroon ako sa nakakabagabag na kapayapaan ng patas na kapangyarihang bumubuo sa Estado; tapos nakikipag-usap ako sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga dokumento, mga proklamasyon, mga kautusang lumalagos sa aking bituka.
Sapagkat lagi tayong minamalas dito. Ganoon talaga iyon—halimbawa tuwing tag-lamig. Kulay-abo ang dingding ng mga gusali, mga bubong, mga biyas ng mga puno. Mga lansangan, mga bangketa, mga mukha, mga damdamin—abo lahat ng mga ito. Abo ang pananalita, maging ang damo kung saan ito nagpapakita. Bawat gilid at bungad, bawat tuktok ay abo. Abo ang lahat: buhok, mga mata, salamin ng bintana, mga bayarin ng mga naglalako, mga karatula ng mga manininda, mga labi, mga ngipin, mga poste, mga plaka—abuhin sila, medyo kulay-abo. Abo ang mga kotse. Abo ang mga bota, mga sapatos, mga barong, mga sombrero, mga guwantes. Mga kabayo, mga tupa, at mga baka, mga pusang nasagasaan, ganoon din ang mga daga, mga maya, mga kalapati, mga pipit, pawang abuhin, abo ang bawat isa, minamalas silang lahat na nabubuhay rito.
Kinulayan ng gatas ng manipis na ulap ang langit sa tag-araw, binabalutan ng hangin ang iyong ulo at balikat na parang panlamig na bumihag sa iyo. Sa liwanag ng tag-araw rin, saglit na nagdilim ang langit nang dumilat ka. Tunay ngang nakakaabala ang init. Lunod sa ating pawis, at hapis sa mga kunot ng ating katawan, bihira nating maisip ang anuman maliban sa mga bahagi nating malagkit. Maalinsangang mga buhawi at maalikabok na mga bagyo ang nagkukurus sa bayan. Sa maraming lugar, kung may malamyang tapik, ilang milya pa rin ang babaybayin ng hangin, nag-iipon ng talino at talim habang sumusulong, talas at lakas. Depende sa kapanahunan, matatabunan ang mga bakod ng papel, mga dahon, basura, mga binhi, yelo. Minsan iniisip ko baka pantay ang lupain dahil pinatag na ito ng mga hanging palaging umiihip. Anu’t anuman, kakayaning lumago ng unos sa maisang kasing-init ng usok mula sa impyerno, at ang pagtanggap nito ang isa sa pinaka-nakakadismayang karanasan sa buhay na ito, kahit pa mas kahiya-hiya ang tindi ng kaparis na hangin sa tag-lamig, at kung gayo’y mas malala. Pero tuwing tag-sibol umuulan pa rin, at napupuno ng yelo ang mga puno.
No comments:
Post a Comment